Nadale ng paputok umakyat sa 43 kaso

Sa datos ng Department of Health (DOH), nakapagtala pa sila ng 18 bagong kaso sa pagsalubong ng Pasko ngayong 2024. Mas mababa naman ito kumpara sa 28 kaso noong ­Disyembre 25, 2023.
STAR/File

MANILA, Philippines — Umaabot na sa 43 ang bilang ng mga nabiktima ng paputok o firework-related injuries (FWRI) sa bansa ngayong taon, o mula Disyembre 22 hanggang 6:00AM ng Disyembre 25, 2024.

Sa datos ng Department of Health (DOH), nakapagtala pa sila ng 18 bagong kaso sa pagsalubong ng Pasko ngayong 2024. Mas mababa naman ito kumpara sa 28 kaso noong ­Disyembre 25, 2023.

Nasa 37 o 86% ang nabiktima ng ilegal na paputok, kabilang ang boga, 5-star at piccolo.

Karamihan sa mga nabiktima ay edad ng 19-taong gulang pababa na nasa 34, habang siyam ang edad 20 taong gulang pataas.

Patuloy na pinapaalalahanan ng DOH ang publiko na salubungin ang Bagong Taon nang ligtas at malusog.

Hinikayat din nito ang publiko na i-report ang mga gumagamit at nagbebenta ng mga iligal na paputok tulad ng boga, 5-star, at piccolo.

Mas makabubuti kung huwag nang gumamit ng mga paputok; huwag pulutin o sindihan ang mga paputok na nakakalat sa kalsada; at ilayo sa mga bata ang mga produktong may lason at pulbura gaya ng mga maliliit na paputok (watusi) dahil maaari nila itong maisubo.

Mas mainam din na gumamit ng mga alternatibong pampaingay katulad ng torotot, kaldero, o mag-karaoke kasama ang pamilya at mga kaibigan at bantayan ang mga anak at ibang kabataan upang masigurong hindi sila makaka­gamit ng mga paputok.

Maaari ring manood na lamang ng community fireworks display mula sa mga local government units (LGUs).

Paalala ng DOH, dapat ring maging handa at siguruhing may first aid kit sakaling masugatan dahil sa paputok. Kung magkaroon ng emergency, tumawag agad sa 911 o 1555.

Show comments