MANILA, Philippines — Namahagi kahapon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng P21 milyon halaga ng tulong pinansyal sa mga biktima ng sunog sa Tondo, Maynila.
Ang tulong ay mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa naturang halaga, namahagi rin ang Pangulo sa P10,000 sa 2,100 biktima ng sunog at food packs, 2,000 blankets at 2,100 sleeping mats mula naman sa Office of the President.
Sa pahayag ni Pangulong Marcos, sinabi nito na patuloy na magtutulungan ang national ay local government para maihatid ang lahat ng pangangailangan ng mga biktima ng sunog.
“Hindi po tayo titigil at gagawin [natin] lahat para tulungan kayo dahil alam naman po namin na kahit kayo’y nakangiti at malakas ang sigaw, marami po kayong iniisip kung paano alagaan ang inyong sarili, ang inyong mga pamilya, kung saan kayo uuwi. Alam po namin ‘yun,” sinabi pa ng Pangulo.
Ilan sa mga biktima ay pansamantalang nanunuluyan sa Delpan Evacuation center sa Brgy 29, Tondo na binisita ni Marcos para alamin ang kanilang mga kondisyon at tiniyak na bibigyan pa sila ng tulong bago ang pasko.
“Pag kayo ay hindi pa namin naiuwi pagdating ng pasko, ako’y pupunta dito magpa-party, mag me-Merry Christmas tayo. Sama-sama. ‘Yan ‘yung pag-udyok ko kay Mayor Lacuna,” sinabi pa ng Pangulo.
Tinatayang 2,114 pamilya o 6,957 indibidwal ang nawalan ng tirahan sa sunog sa Puro 1,2,3 ng Isla Puting Bayo, Brgy 20, zone 2,Tondo Manila nitong Nobyembre 24 dahil sa faulty electrical wire.