MANILA, Philippines — Sa gitna na rin ng nagbabadyang matinding pananalasa ni super typhoon Pepito sa Bicol Region, Central at Northern Luzon, iba pang mga lugar, inirekomenda ni dating Bayan Muna Partylist Neri Colmenares sa pamahalaan na gamitin ang mga ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hubs bilang pansamantalang mga evacuation sites.
Ayon kay Colmenares, kung siya ang tatanungin ay mas mabuti ng mapakinabangan ang mga POGO hubs bilang mga evacuation centers lalo na sa ganitong mga panahon na may mga bagyo.
Tinukoy niya na maraming mga pasilidad ang POGO na napasakamay na ng gobyerno tulad sa Bamban, Tarlac; Porac, Pampanga; Bulacan, Cagayan, Metro Manila at iba pa na mas maluwag at well equipped na sa mga kagamitan.
“While we cannot use these as schools due to potential psychological trauma from past activities, they are ideal as temporary evacuation sites,” giit nito.
“Many of these facilities are already equipped with medical centers and have ample space, making them suitable emergency shelters,” saad niya.
Sa kasalukuyan, ayon pa kay Colmenares ay mas makabubuting gamitin na muna ang mga POGO hubs bilang evacuation centers habang hinihintay pang maipasa ang Permanent Evacuation Centers Bill.