MANILA, Philippines — “Superman” umano ang code name ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa ‘Davao Death Squad‘ (DDS).
Ito ang kinumpirma ni Sanson Buenaventura, retiradong pulis na naging driver/bodyguard ni Duterte noong alkalde ito sa lungsod ng Davao mula 1988 hanggang 2008.
Si Buenaventura ay napaamin ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro sa pag-usisa dito sa pagdinig ng Quad Comm noong Huwebes ng gabi. Gayunman, ayon kay Buenaventura ay media lamang ang nagbansag ng DDS. Inamin din nito na tapat siya kay dating Pangulong Duterte.
Matatandaan na ibinunyag ng self-confessed DDS hitman na si Arturo Lascañas, sa kanyang affidavit noong 2017 sa pagdinig ng Senado na si Buenaventura ay mayroong malaking papel sa DDS at responsable sa logistics at pananalapi kung saan nagsisilbi itong liaison upang maiparating ang mga utos ni Duterte.
Ayon kay Lascañas, si Buenaventura ang nagbababa ng mga utos ni Duterte.
Sa affidavit naman ng isang “Jose Basilio” inilarawan nito si Buenaventura bilang operational “big boss” ng Heinous Crime Investigation Section, na nasa likod umano ng pagbibigay ng clearance sa operasyon ng DDS na tumatarget sa mga kriminal.
Kaugnay nito, kumbinsido naman si House Assistant Majority Leader at Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing na kuwestiyonable ang kredibilidad at pagiging tapat ni Buenaventura kay Duterte na bilang dating amo ay kaniyang poprotektahan.
“Mr. Chair, mas nakikita ko po na nagsisinungaling si Mr. Sonny Buenaventura,” sabi ni Suansing. Sumentro ang pagtatanong ni Suansing kay Buenaventura sa mga salitang ginagamit ng DDS.
Tinanong ni Suansing kung ano ang ibig sabihin ng salitang “labyog” na patungkol sa pagtatapon o pagdispatsa ng bangkay na tinugon naman ni Buenaventura na ang ibig sabihin ay tapon.
Hindi naman nakuntento si Suansing sa isinagot ni Buenaventura. “Kasi po, ayon po sa aming sources, ang labyog po ay to kill or dump a dead body ng isang biktima,” sabi ng lady solon. Nagtanong din ang mambabatas kay Buenaventura kaugnay ng Laud Quarry na sinasabing isa sa mga tapunan ng patay ng DDS na isa ring firing range.
Kinuwestiyon din ni Suansing ang pera ni Buenaventura sa bangko at hinimok ito na pumirma ng waiver para sa bank secrecy rights nito kung wala naman siyang itinatago pero tumanggi ang huli sa pagsasabing P4,000 lamang ang laman ng kaniyang bangko.