Konek ni Rose Lin sa POGO, sumingaw

Sa kabila ng kanyang pag-amin na nagkita sila ng kanyang asawa sa Hong Kong noong November 1 ay hindi naman nito masagot ang chairman ng komite kung kailan babalik ang asawa sa Pilipinas mula nang lumipad ito palabas ng bansa noong Mayo.
Philstar.com / Irish Lising

MANILA, Philippines — Sumingaw ang umano’y koneksyon ni Rose Lin at asawa nitong si Weixiong Lin alyas Allan Lim, hindi lamang sa isyu ng Pharmally kundi maging sa POGO at illegal na droga.

Sa pagharap ni Rose Lin sa Congressional inquiry ng Quad-Committee nitong Huwebes, kinumpirma nito na asawa niya si Weixiong Lin alyas Allan Lim, na huling napabalitang nagtatago sa Dubai.

Sa kabila ng kanyang pag-amin na nagkita sila ng kanyang asawa sa Hong Kong noong November 1 ay hindi naman nito masagot ang chairman ng komite kung kailan babalik ang asawa sa Pilipinas mula nang lumipad ito palabas ng bansa noong Mayo.

Nang ipakita sa hearing ang larawan ni Allan Lim kasama si Michael Yang, sinabi ni Rose Lin na ito nga ang kanyang asawa subalit hindi aniya Allan Lim ang pangalan nito.

Hindi rin tugma ang sagot ni Lin sa tanong ni Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers kung saan, paano at kailan sila nagkakilala ng hinihinalang big time  drug lord ng bansa.

Ayon kay Lin, nagkakilala sila noong 2009 at mula 2005 ay nasa Pilipinas na si Allan Lim gayung December 6, 2004 ipinanganak ang kanilang panganay.

Aminado rin ang pharmally queen na marami siyang naipatayong negosyo subalit isa lang ang kanyang POGO company na Xionwei Technology na tinaguriang “mother of all POGOs”.

Batay sa ulat, ipinagamit umano ni Lin ang lisensya sa mga naglipanang POGO sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas kasama na rito ang POGO ni Alice Guo at ang Lucky South 99 na na-raid sa Porac, Pampanga.

Inamin din ni Lin na ginamit niya ang kanyang mga pamangkin upang gawing stockholder at incorporator ng mga sini­mulang kumpanya kasama ang business partner nilang si Michael Yang.

Kontrolado din aniya nilang mag-asawa ang mga naturang kumpanya tulad ng Paili Holdings, Xionwei Technology at Full Win Group of Companies.

Kaugnay nito, ­ipinakita din ni Deputy Speaker Dan Fernandez ang ilang screenshots ng usapan nina Lin at ng kanyang mga tauhan na sina Alvin Constantino at Bong Lazaro.

Sa nasabing usapan, makikita na inutusan ni Lin si Constantino para mailabas ang kanilang mga gamit sa Porac POGO matapos itong ma-raid at ipasara ng mga otoridad.

Mababasa rin dito ang balak na pagtatago ng kanilang mga assets mula sa kanilang negosyo kung saan inutusan pa nito ang kanyang tauhan na gamitin ang lahat ng koneksyon at pera.

Samantala, pahaharapin sa susunod na hearing ng quad comm si Constantino para sagutin ang mga alegasyon.

Isa-isa na ring sumi­singaw ang mga ebidensya na lumobo ang dami ng ari-arian ng mag-asawang Lin matapos ang Pharmally deal. Isa na rito ang P1.4 billion prime property sa Dubai na sinasabing katas umano ng Pharmally.

Show comments