Mga Pinoy na kasabwat ng convicted French pedophile, dapat managot

MANILA, Philippines — Dapat managot sa batas ang mga Pilipinong ­naging kasabwat ng convicted pedophile na si Bouhalem Bouchiba, na hinatulan sa isang korte sa Paris, France kaugnay sa kasong online sexual abuses kung saan kabilang ang maraming Pilipina sa mga nabiktima nito sa loob ng higit isang dekada.

“Nakakagalit. Kasuklam-suklam,” sabi ni ­dating DILG Sec. Benhur Abalos sa isang pahayag. “Kailangan lahat ng naging kasabwat ni Bouchiba sa Pilipinas ay maparusahan at makulong din.”

Nauna nang nagpahayag ang Department of Justice (DOJ) na sila ay aktibong nakikipagtulungan sa Philippine National Police (PNP) upang tugisin ang mga Pilipinong tumulong kay Bouchiba sa kanyang mga karumal-dumal na krimen.

“Walang Pilipino dapat ang nagbebenta sa kapwa. Dapat managot ang Pilipinong kasabwat ni Bouchiba sa online sexual abuses na ginawa nito kabilang ang mga biktimang Pilipina na karamihan ay mga bata pa,” sinabi ni Abalos.

Inihalintulad ni Abalos ang naging aksyon nila sa pagkakahuli sa serial child trafficker na si Teddy Jay Mejia na inakusahan ng pang-aabuso sa 111 menor-de-edad na kababaihan.

Nahuli si Mejia noong Setyembre sa United Arab Emirates at inuwi ni Abalos at General Portia Manalad sa bansa matapos ang matagumpay na pakikipag-ugnayan sa UAE at Interpol. Sa ngayon ay nahaharap si Mejia sa kasong qualified trafficking, statutory rape, at paglabag sa Republic Act No. 11930, o ang Anti-Online Sexual Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act.

Sinabi ni Abalos na ang mga tulad ni Mejia at Bouchiba ay dapat mabulok sa kulungan.

Show comments