Pinas Ika-9 sa Global Impunity Index
MANILA, Philippines — Hiniling ni Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na patuloy na protektahan ang mga mamamahayag sa bansa kaugnay ng ulat na ang Pilipinas ay nasa ika-9 sa Global Impunity Index for journalist killings.
Nabatid na ang bansa ay nananatiling isa sa mga pinakamapanganib na lugar para sa mga mamamahayag, kahanay ang mga bansang Somalia, Iraq, at Mexico, kung saan bihira ang hustisya para sa mga pinaslang na journalist.
Ang ranking na inilabas ng Committee to Protect Journalists (CPJ) ay nagpapakita ng unresolved killings sa journalist at mataas na antas ng impunity sa Pilipinas.
Noong nakaraang administrasyong Duterte, sinikap ng gobyerno na pangalagaan ang media sa pamamagitan ng pagtatatag ng Task Force on Media Security.
At bilang isang mambabatas, itinaguyod ni Go ang mas matibay na pananggalang sa pamamagitan ng Senate Bill No. 1183, kilala rin bilang Media and Entertainment Workers Welfare Act, na inihain niya sa Senado.
Layon ng batas na palakasin ang mga proteksyon sa mga manggagawa sa media at magbigay ng mas pinahusay na benepisyo sa lahat ng platform, kabilang ang broadcast, print, at digital media.
Kabilang dito ang mga probisyon para sa health insurance, overtime at night differential pay, hazard pay, at iba pang mahahalagang benepisyo upang maprotektahan ang mga manggagawa sa media mula sa hindi patas na pagtrato at pagsasamantala.
“Hindi matatawaran ang kontribusyon ng ating mga mamahayag sa ating bansa. Sila ang nagdadala ng boses ng katotohanan sa ating mga mamamayan, kahit na ang kapalit nito ay sariling kaligtasan. Kaya kailangan nating tiyakin na sila ay protektado at may sapat na seguridad sa kanilang trabaho,” ayon kay Go.
Nanawagan si Go sa pambansang pamahalaan na magtulungan sa pagtiyak ng mas ligtas na kapaligiran para sa journalists.