MANILA, Philippines — Natapos na ng South Korean firm na Miru Systems Inc. ang pag-manupaktura ng may 110,000 automated counting machines (ACMs) na gagamitin ng Commission on Elections (Comelec) para sa nalalapit na May 12, 2025 National and Local Elections (NLE).
Ayon sa Comelec, ito ay dalawang buwang mas maaga, kumpara sa deadline na itinakda para sa paggawa ng mga ACMs.
Nabatid na ang huling batch ng mga ACMs ay nakatakda na ring ideliber ng Miru sa bansa.
Inaasahan naman ng Comelec na makukumpleto ng Miru ang delivery ng mga naturang ACMs sa Pilipinas ngayong Nobyembre.
Anang Comelec, nasa 10,000 ACMs ang nakatakdang ibiyahe ng mga truck sa Busan Port sa South Korea para maideliber sa Pilipinas.
Bukod dito, mayroon na ring 78,456 ACMs na nakalagak sa warehouse ng Comelec sa Biñan, Laguna.
Nasa 37,329 ACMs naman na ang sumailalim sa hardware acceptance test (HAT) habang 41,127 naman ang isasailalim na rin dito.