Senator Imee kumalas sa admin senatorial ticket
It’s her choice — Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Sen. Imee Marcos na kumalas na siya na senatorial line-up ng administrasyon.
Sa press conference nitong Lunes, sinabi ni Sen. Imee na nais niyang protektahan ang kanyang nakababatang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang hindi ito malagay sa alanganin.
“Maraming nagsasabi noon na ako’y namamangka sa dalawang ilog. Ang ninanais ko ay ako ang daan kung saan magtatagpo ang lahat ng ilog. Tangway, ika nga sa atin. It’s a tremendous sacrifice to stand alone. But I need to be free to cross the line, to talk to all parties, and to get things done,” ani Marcos.
Ayon kay Sen. Marcos, hindi pa niya nakakausap ang kanyang kapatid tungkol sa kanyang desisyon na umalis sa senatorial ticket ng administrasyon gayundin sa kanyang partido, ang Nacionalista Party (NP).
“Hindi pa naman ako nag-re-resign sa nacionalista. Mabait sila sa akin eh. Hindi naman sila nagkulang sa support at pagtatangkilik. So, tignan natin kung anong maigi para hindi naman na maalangan ng sinuman,” sambit pa niya.
Samantala, ipinagkibit balikat lamang ng Pangulo ang pahayag ng kapatid na tatakbo siyang independent Senator.
Sa isang ambush interview, tinanong ang Pangulo kung ano ang reaksyon sa pahayag ng kapatid na tumakbong re-electionist na mag-isa.
Ayon kay Marcos, ayos lang ito sa kanya dahil nangyari na rin ito sa kanya kung saan tumakbo rin siya bilang isang independent sa maraming pagkakataon.
“That’s fine. That’s her choice,” sinabi ng Pangulo.
Sa tingin pa ng Presidente, ang desisyon ng senador ay para magbigay ng mas malawak na espasyo at kalayaan para ayusin ang kanyang schedule at sa paraan na nais niya sa kampanya.
Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na welcome at nakaagapay pa rin ang Alyansa para sa kapatid sakaling magdesisyon siya na sumama sa kanila sa kampanya.
Noong Setyembre 26, inanunsyo na ni Pangulong Marcos ang 12 kandidato na kanyang iniendorso para sa 2025 election kung saan kasama ang kapatid na senadora pero hindi ito sumipot sa okasyon.
- Latest