MANILA, Philippines — Nagsagawa ng joint maritime drills ang hukbong dagat at hukbong panghimpapawid ng Pilipinas, Estados Unidos, Australia, Japan at New Zealand sa karagatang saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, nitong Sabado.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., kabilang sa mga nagpartisipa sa Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) ay ang barko ng Philippine Navy at mga eroplnao ng Philippine Air Force (PAF).
“The Multilateral Maritime Cooperative Activity involves naval and air force units of the participating countries and “demonstrates a collective commitment to strengthen regional and international cooperation in support of a free and open Indo-Pacific”, ani Brawner.
Sa isang press statement ng Australian Defense Ministry kabilang sa kanilang mga barko na nakiisa sa joint maritime drills ang HMAS Sydney at ang Royal Australian Air Force 8A Poseidon.
Patuloy naman ang pagpapalakas ng depensa ng Pilipinas kung saan sa isinasagawang mga pagsasanay ay kalahok ang puwersa ng mga bansang kaalyado nito.
Magugunita na bagaman napagwagian ng Pilipinas ang Arbitral ruling noong 2016 kaugnay ng hurisdiksyon sa West Phl Sea kontra China ay tumanggi ang Beijing na kilalanin ito.
Samantalang nanindigan din ang AFP na mananatili ang mandato nito sa pagbibigay proteksiyon sa soberenya ng bansa sa WPS.