Qualified human trafficking case vs Alice Guo, isinampa na sa Pasig RTC
MANILA, Philippines — Sinampahan na ng Department of Justice (DOJ) ng qualified human trafficking case si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at iba pa niyang mga kasamahan sa Pasig City Regional Trial Court (RTC).
Ayon sa DOJ, dakong alas-4:30 ng hapon ng Martes nang ihain sa Pasig RTC ang mga kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, na inamiyendahan ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 at Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022.
May kinalaman anila ito sa ginawang pagsalakay sa POGO hub sa Bamban, Tarlac noong Marso.
Nabatid na bukod kay Guo, sinampahan din ng naturang kaso sina Huang Zhiyang, Zhang Ruijin, Lin Baoying, at iba pa.
Matatandaang si Huang Zhiyang ay una nang tinukoy ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na siyang ‘boss’ ng lahat ng mga boss ng illegal POGOs.
Inaasahan namang kaagad na ring ira-raffle ng hukuman ang inihaing kaso laban kina Guo upang maidaos ang paglilitis dito.
Una nang pinahintulutan ng Korte Suprema ang hiling ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na mailipat na ang pagdinig ng mga POGO-related cases sa Pasig City mula sa Capas, Tarlac.
- Latest