Probe vs ex-PNP chief na nagpatakas kay Alice Guo, ikinasa ng PNP
MANILA, Philippines — Sinisimulan na ng PNP-Criminal investigation and Detection Group (CIDG) ang imbestigasyon hinggil sa pagkakasangkot ng isang dating hepe ng pambansang pulisya sa isyu ng pagpapatakas kay dating Bamban mayor Alice Guo.
Ayon kay PNP CIDG Director Police Major General Leo Francisco, inatasan siya ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil na beripikahin ang naging pahayag ni Ret. Gen. Raul Villanueva, Senior Vice President ng Security and Monitoring Cluster ng PAGCOR at dating commander ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), na tinulungan ng isang dating PNP chief si Guo na makalabas ng bansa sa kasagsagan ng pagdinig ng Senado sa isyu ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Nabatid na matagal ding tumanggap ng buwanang payola mula kay Guo ang nasabing PNP chief mula sa POGO operations.
Martes nang ibunyag ni Viillanueva sa pagdinig ng Senado ang isyu kaya agad inatasan ni Marbil si Francisco upang matukoy ang nasabing ex-PNP chief at malaman ang katotohanan.
Nakikipag-ugnayan na rin si Francisco kay Villanueva para malaman ang totoo dahil dawit na naman muli ang imahe ng PNP.
Tiniyak ng PNP na ilalabas nila sa publiko ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa sandaling matukoy ang opisyal.
Samantala, sinabi naman ni PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo na hindi malinaw kung ang “ex PNP chief” ay nung magsimula ang POGO.
Aniya, suspect sa isyu ng pagpapatakas kay Guo ang nasa 24 na naging PNP chief.
“Kahit former chief PNP ka pa hindi ka above the law,” ani Fajardo.
- Latest