MANILA, Philippines — Nabisto sa imbestigasyon ng Quad Committee ng Kamara ang paglobo ng yaman ni dating Presidential spokesman Harry Roque.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Barbers, Chairman ng Quad Comm, base sa mga dokumentong nakuha ng quad comm, mula sa dating P125,000 assets noong 2016 ay lumobo ito sa P125 milyon 2018.
Hinihinala na mula sa operasyon ng illegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang biglang pagiging milyonaryo ni Roque na una nitong sinabi na galing sa pinagbentahan ng lupa na pamana ng kaniyang pamilya.
Sinabi ni Barbers na kung totoo na walang kaugnayan si Roque sa POGO hindi nito kailangan magpakita ng kawalang respeto sa komite. Ito’y matapos tawagin ni Roque na “kangaroo court” ang quad committee matapos siyang i-contempt nito dahil sa hindi pagsumite ng mga hinihinging dokumento gaya ng Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN), financial at tax transactions.
Sa social media post ni Roque, sinabi nitong wala siyang pakialam sa ‘contempt’ ng Kamara at hahamunin din niya ito sa pamamagitan ng paghahain ng habeas corpus at certiorari sa Korte Suprema.
“Mr. Roque can run but he cannot hide from the law. Once arrested and files his petitions or legal remedy before the Supreme Court, the quad comm will respect and abide with whatever decision the high court would dish out,” sabi ni Roque.
Nadawit si Roque sa illegal POGOs matapos na samahan at tulungan si Cassaandra Li Ong, opisyal ng Whirlwind, at ang illegal na Lucky South 99 gaming firm para bayaran ang arrears nito sa PAGCOR na nagkakahalaga ng $500,000.
Inamin naman ni Roque na abogado siya ng Whirlwind pero wala umano siyang kinalaman sa illegal na POGO hub.