Namataang LPA, ganap nang bagyo

Nakamonitor ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa pamamagitan ng pagbibigay ng update sa lagay ng bagyong Gener bilang paghahanda sa maaaring maging epekto nito sa bansa.
Ryan Baldemor

MANILA, Philippines — Isa nang ganap na bagyo ang low pressure area (LPA) na namataan sa lalawigan ng Aurora.

Ang bagyo na tinawag na “Gener” ay bahagyang lumalakas habang mahina ang pagkilos.

Batay sa monitoring ng PAGASA, alas-11 ng umaga kahapon, ang sentro ng bagyong Gener ay namataan sa layong 325 kilometro silangan hilagang silangan ng Casiguran, Aurora. Si Gener ay dahan-dahang kumikilos pakanluran timog kanlurang bahagi ng bansa.

Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 55 kilometro bawat oras at pagbugso na umaabot sa 70 km bawat oras.

Bunga nito, nakataas ang Signal number 1 ng bagyo sa Cagayan kasama na ang Babuyan Islands, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Kalinga, Abra, Ifugao, Mountain Province, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, Aurora, northern portion ng Quezon (General Nakar, Infanta, Real) kasama na ang Polillo Islands.

Sa susunod na 24 oras, ang bagyong Gener ay inaasahang mag-landfall sa bisinidad ng Isabela o Aurora at posibleng maapektuhan ang baybayin ng La Union o Pangasinan ngayong Martes, Setyembre 17 ng umaga.

Makaraan nito, ang bagyo ay kikilos pakanluran timog kanluran sa may West Philippine Sea ngayong Martes bago bumalik sa pangkalahatang direksyon ng hilagang kanluran sa Miyerkules, Setyembre 18.

Kapag nasa may West Philippine Sea na si Gener, inaasahang maaabot nito ang tropical storm category ngayong gabi ng Martes o sa Miyerkules.

Ngayong Martes, si Gener ay inaasahang nasa layong 70 km kanluran hilagang kanluran ng Baguio City o nasa layong  315 km kanluran ng Dagupan City, Pangasinan.

Show comments