MANILA, Philippines — Asahan na ang puwersa at tulong ng Amerika sa Pilipinas sakaling itaboy at paalisin ng China ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ito naman ang sinabi ni Defense Secretary Gilbert Teodoro kung saan tinawag niya itong “clear act of war” sa Philippine vessel.
Ayon kay Teodoro, ang BRP Sierra Madre ay simbolo ng teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea kaya’t hindi nila ito tatanggalin tulad ng nais mangyari ng China.
“Yes definitely. If China were to take BRP Sierra Madre, that is a clear act of war on a Philippine vessel. We will react and naturally we would expect it,” saad ni Teodoro.
“There are people in there and that is an outpost of Philippine sovereign so we are not talking a rusty old vessel so were talking about a piece of Philippine territory in there.”
Sakali aniyang ipilit ng China ang pagpapaalis sa nasabing barko, sinabi ni Teodoro na lalaban ang bansa kasama ang tulong ng Amerika.
Una nang nagbabala ang US sa China na handa silang depensahan at protektahan ang Pilipinas sa ilalim ng 1951 United States-Philippines Mutual Defense Treaty (MDT).
Pinagtibay din ng US sa ilalim ng Article IV MDT ang kanilang tulong sakaling may umatake sa puwersa ng Pilipinas, public vessels, o aircraft kabilang ang Coast Guard sa South China Sea.
Matatandaang nagdala ng mid-range missile system ang US military sa hilagang bahagi ng bansa kung saan isinagawa ang combat exercise ng US at Pilipinas noong Abril, 2024 na nagpagalit sa China.