P14 milyong pabuya paghahatian ng mga informant
MANILA, Philippines — Mismong miyembro rin ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ang informant o nagturo ng kinaroroonan ng kanilang wanted na leader na si Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay Philippine National Police PRO 11 Director PBGen. Nicolas Torre III, ilang babaeng miyembro ng KOJC ang informant sa pinagtataguan ni Quiboloy.
Bukod pa ito sa kanilang intelligence network at gamit na underground gathering radar kung saan namomonitor ang kilos ng isang tao.
Nilinaw ni Torre na nasukol at napapalibutan na si Quiboloy ng mga tropa ng pulis sa ACQ College of Ministry, sa loob ng compound kaya’t napilitan nang sumuko.
Samantala, matatanggap ng mga informant ang kabuuang P14 milyong pabuya matapos na mapasakamay ng mga awtoridad si Quiboloy.
Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, paghahati-hatian ng mga informant ang nasabing halaga na hindi maaaring isiwalat para na rin sa kanilang seguridad. Tikom naman ang bibig ng PNP official sa kinaroroonan ng mga informant para na rin sa kanilang seguridad.
Hindi naman kinumpirma ni Fajardo kung ang mga informant ay nasa loob ng KOJC compound sa Davao City.
Una ng inanunsiyo ni Interior Secretary Benhur Abalos Jr. ang patong sa ulo ng noon ay puganteng pastor ay P10 milyon habang tig-P1 milyon sa iba pang 4 kapwa akusado ni Quiboloy na kinabibilangan nina Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Cresente Canada at Sylvia Cemanes.