MANILA, Philippines — Hindi pa umano magpapatupad ang pamahalaan ng lockdown sa bansa dahil sa mpox (dating monkeypox).
Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa, batay sa mga datos na hawak nila sa ngayon, hindi pa kailangang magpatupad ng lockdown. Wala pa rin silang planong i-mandato ang paggamit ng face mask o face shields.
Sa kabila aniya ng patuloy na community transmission, matagumpay na nama-manage ng DOH ang Mpox Clade II.
Hindi anila tulad ng COVID-19, na airborne, ang mpox Clade II ay naisasalin lamang sa pamamagitan ng close at intimate, skin-to-skin contact at sa pamamagitan ng paghawak sa mga bagay, na nahawakan ng pasyenteng may aktibong skin lesions. Hindi rin umano kasing-bilis ng COVID-19 ang pagkalat ng mpox.
Anang DOH, mapapatay ang virus sa pamamagitan ng paghuhugas ng sabon at tubig o di kaya ay paggamit ng alcohol sanitizers.
Aminado naman ang DOH na inaasahan na nilang mas marami pa ang magpopositibo sa mpox dahil mas pinabilis pa nila ang ginagawang mga pagsusuri.
Gayunman, maaari umanong magpatupad ang DOH at mga local government ng containment, sakaling makapagtala ng imported na kaso ng mpox Clade Ib.
Maaari rin umanong ikonsidera ng DOH ang pagbuhay sa Inter-Agency Task Force (IATF) sakaling magkaroon ng community transmission ng mpox Clade Ib.