MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na ligtas ang 23 tripulanteng Pinoy sa missile attack na ikinasa ng mga rebeldeng Houthi sa kanilang sinasakyang barko sa Red Sea.
Ayon sa DMW, ang mga naturang tripulante ay naghihintay na lamang na ma-rescue ngayong Biyernes.
Nabatid na nasira naman sa pag-atake ang engine ng Greek flagged MT Sounion ng mga tripulante, na may kargang krudo.
Sa ngayon ay nananatili pa umano ang barko sa kanlurang bahagi ng Hodeida port sa Yemen at hindi pa maipagpatuloy ang paglalayag.
Ito na ang ika-siyam na insidente ng pag-atake ng mga rebelde sa Yemen, na direktang nakaapekto sa mga tripulanteng Pinoy, simula Nobyembre.