MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng class suit laban sa mga taong responsable sa oil spill sa Bataan.
Ginawa ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pahayag kasunod ng pulong ng Oil Spill Inter-Agency Committee sa DOJ, na dinaluhan nina Philippine Coast Guard commandant Admiral Ronnie Gavan at
Cavite Governor Jonvic Remulla, at iba pang opisyal.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Remulla na ang mga mangingisda ang maghahain ng class suit laban sa mga may-ari at iba pang responsable sa oil spill.
“Ang usapan namin, we’re looking into the angle of a class suit already. Filed by the fishermen against the owners and others who
may be responsible for this,” aniya.
Dagdag pa ng kalihim, “Ano na ito, tuloy-tuloy ang demandahan dito kasi may nakita kami talagang crime dito na ginawa.”
Matatandaang dalawang motor tanker ang lumubog sa karagatang sakop ng Bataan, kabilang ang MT Terranova na may lulang 1.4 milyong litro ng industrial fuel; at MTJason Bradley, na may karga namang 5,500 litro ng diesel, habang sumadsad naman sa pampang ang MV Mirola 1.
Ani Remulla, naniniwala ang mga awtoridad na ang mga barko ay interconnected, partikular na ang dalawang unang barko, ngunit tumanggi nang magbigay ng karagdagan pang impormasyon.