Marcos nadismaya: Pinas ‘butata’ sa top 100 ng Asia University Rankings

President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. on May 15, 2024.
STAR/ KJ Rosales

MANILA, Philippines — Nadismaya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil walang unibersidad sa Pilipinas ang nakapasok sa top 100 ng Times Higher Education’s 2024 Asia University Rankings.

Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa National Higher Education Day Summit sa Philippine International Convention Center sa Pasay City, sinabi nito na kailangang magdoble kayod ang bansa para maiangat ang kalidad ng edukasyon.

“However, we must acknowledge that in the recent Times Higher Education’s 2024 Asia University Rankings, unfortunately, no Philippine university has reached Top 100, with the country’s top schools either dropping or maintaining their rankings,” ayon pa sa Pangulo.

Nagpapakita lang anya ito na marami pa kailangang gawin at kailangang ituloy ang komprehensibong stratehiya na magpapabago dito.

Lumalabas na ang Ateneo de Manila University ang nakapasok sa ika-401 hanggang 500 na ranking habang ang De La Salle University at University of the Philippines naman ay nakapasok lamang sa ika-501 hanggang 600 na ranking.

“The state of our education today shapes the future of the nation,” ayon sa Pangulo.

Sa kabila nito umaasa ang Presidente na kung ano man ang magiging output ng summit ay maibababa at maipatutupad ito sa mga campus at classrooms para maiangat ang educational standards ng Pilipinas.

Pangako naman ni Pangulong Marcos, patuloy na susuportahan ng administrasyon ang libreng tertiary eduation sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo para sa mga kwalipikadong estudyante.

Aabot anya sa P134 bilyong pondo ang inilaan ng pamahalaan para sa mga state universities and colleges.

Show comments