MANILA, Philippines — Idineklarang ‘persona non grata’ ng Sangguniang Panglungsod ng Maynila ang drag artist na si Pura Luka Vega dahil sa kontrobersyal niyang pagtatanghal sa paggampan niya bilang Itim na Nazareno na ikinadismaya ng mga Pilipinong Katoliko.
Sa ilalim ng 12th City Council Resolution na iniakda ni 5th District Councilor Ricardo “Boy” Isip Jr. at inaprubahan nitong Agosto 8, hindi na maaaring pumasok ng siyudad ng Maynila si Pura Luka Vega o Amadeus Fernando Pagente, na totoo niyang pangalan.
Ito ay kaugnay ng kaniyang pagtatanghal kasabay ng ‘remix version’ ng ‘Ama Namin (Our Father)’ sa isang bar habang suot ang costume ng Itim na Nazareno.
Iginiit naman ni 5th District Councilor Jaybee Hizon na hindi maaaring sa lahat ng pagkakataon ay idadahilan ng sinuman ang ‘freedom of speech’ lalo na kung nakakabastos na ng paniniwala sa relihiyon.
Suportado ng lahat ng miyembro ng Konseho ang resolusyon dahil sa pagiging site ng Maynila sa taunang Piyesta ng Itim na Nazareno at Traslacion.
Ang Maynila na ang ikaapat na siyudad at bayan na nagdeklara kay Pagente bilang ‘persona non grata’, makaraan ang General Santos City, sa South Cotabato; Floridablanca, Pampanga at Toboso, Negros Occidental.