541 kaso ng ‘HFMD’ tumama sa Albay

MANILA, Philippines — Nasa 541 kaso ng “hand, foot and mouth di­sease“ (HFMD) ang naiulat sa lalawigan ng Albay sa loob lamang ng 10 araw, ayon sa ulat ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit sa Department of Health.

Ang naturang mga kaso ay nangyari mula Nobyembre 15-25 lamang at patuloy na kumakalat.

Natukoy ito sa 10 ba­yan at dalawang siyudad sa probinsya. Pinakamaraming kaso sa bayan ng Oas kasunod ang Legazpi City at Guinobatan.

Ayon sa mga opisyal, karamihan sa dinapuan ng HFMD ay mga bata na edad 1-10 taong gulang.

Nag-umpisa na ang Provincial Health Office sanitary services unit sa pagdi-disinfect sa mga komunidad para mapigilan ang lalo pang pagkalat nito at pagkakahawahan.

Karamihan sa mga sintomas ay lagnat at pagkakaroon ng rashes ng mga pasyente. Inabisuhan ang mga dinapuan ng sakit na manatili muna sa kanilang mga bahay upang maiwasan na maipasa ito sa iba.

Pinaalalahanan din ang taumbayan na asikasuhin ang sariling kalinisan sa pamamagitan ng palagiang paliligo at paghuhugas ng mga kamay na siyang pinakamabisang paraan para hindi mahawa ng sakit.

Show comments