MANILA, Philippines — Hinamon ng Amihan National Federation of Peasant Women si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na gawing mas "sustainable" at "accessible" sa mas marami P25/kilong bigas na binebenta sa "Kadiwa ng Pasko" stalls.
Ipinagmamalaki kasi ni Bongbong ang pagbebenta nito sa mga "Kadiwa ng Pasko" stalls sa 14 lugar sa Pilipinas, habang idinidiing papalapit na ang bansa sa pangakong P20/kilong bigas. Kaso, 11 sa mga stall ay nakakonsentra lang sa Metro Manila.
Related Stories
"Matagal nang panawagan na gawing mura ang bigas at itong P25 kada kilo ay dapat malawakan at dapat dalhin sa mga palengke kung saan, magiging available, affordable at accessible sa malawak na mamamayan," sabi ni Cathy Estavillo, secretary general ng AMIHAN, Huwebes.
"Hindi lang dapat tokenism bilang sagot sa inflation at lumalalang krisis sa pagkain sa bansa. Sa ngayon, makikita ang kapalpakan ng Rice Liberalization Law, dahil tinanggal sa [National Food Authority] ang retail ng murang bigas, na ngayon naman ay nirereplicate ng Kadiwa Centers ng Department of Agriculture."
Wika pa nila, bababa lamang ang presyo ng commercial rice kung malaki ang bolyum nito sa merkado. Kaso ipinagbabawal ito ng batas dahil sa "makakasagabal ito sa liberalisasyon ng importasyon at trading ng bigas."
Kaugnay nito, patuloy ang panawagan nina Estavillo, na tagapagsalita rin ng Bantay Bigas, na ipawalambisa na nang tuluyan ang Republic Act 11203 o Rice Liberalization Law.
Sa ilalim ng R.A. 11203, pinapayagan nang ang pagpasok ng bigas mula sa ibang bansa nang walang limitasyon sa dami, basta't magbabayad ng taripa. Ang problema, nakakaapekto naman daw ito sa mga lokal na magsasaka dahil bumababa ang farmgate prices.
Aniya, hangga't may importasyon, pagtatakda ng private traders sa presyo at pag-aalis sa mandato ng NFA na magbenta ng murang bigas sa mga palengke, paulit-ulit lang daw na susubukang resolbahin ang isyu. Nangyayari ang lahat ng ito habang humaharap sa 14-year high inflation rate ang Pilipinas na 7.7%.
"Hinahamon namin siya [Marcos] na pabahain niya sa lahat ng palengke ang murang bigas. Kung hindi niya ito magagawa, mapapatunayang pakana lamang ito o showcase na pagpapakita ng ilusyon na may ginagawa ito para solusyonan ang krisis sa bigas," wika ni Estavillo.
Malapit na ang P20/kilong bigas?
Miyerkules lang nang bisitahin ni Marcos Jr. ang isa sa mga Kadiwa stalls sa Mandaluyong City, na siyang itinayo para tulungan ang mga magsasaka at mga mamimili. Bukod sa bigas, mabibili rin ang murang gulay atbp. pagkain doon.
"Palapit na tayo doon sa aking pangarap na mag-20 pesos pero dahan-dahan lang. Aabutin din natin ‘yan pero marami pa tayong gagawin. Eh ang dami pang nangyayari," sabi ni Bongbong Miyerkules.
"At wala naman tayong magawa dahil ‘yung pagtaas ng presyo ng bilihin ay hindi naman nanggaling sa ekonomiya natin, nanggaling ‘yan sa mga pangyayari sa iba’t ibang lugar na hindi naman natin makontrol."
Isa ang P20/kilong bigas sa mga campaign promises ni Marcos Jr. noong siya'y kumakandidato pa lang sa pagkapangulo.
Maliban sa Kamaynilaan, meron tig-iisang Kadiwa ng Pasko stall sa Tacloban City, Davao de Oro at Koronadal City, South Cotabato. Ginagawa ito habang si Marcos Jr. ang tumatayong kalihim ng Department of Agriculture.
'RIDA isabatas para maging sustainable ito'
Para pangmatagalan daw na mapababa ang presyo ng bigas habang nakikinabang ang nakararami, itinutulak ngayon nina Estavillo ang pagsasabatas ng nakabinbing House Bill 405 o Rice Industry Development Act (RIDA) ng koalisyong Makabayan.
Kung maipatutupad, maglalaan ito ng P495 bilyong pondo para sa sektor ng palay "para makamit ang paborableng presyong farm gate" na hindi bababa sa P20/kilo at sa presyong retail na P25/kilo.
Lalaanan din ng RA 405 ng:
- P310 bilyon ang NFA local procurement
- P50 bilyon para sa farm inputs support program
- P25 bilyon para sa socialized credit
- P30 bilyon para sa post-harvest facilities
- P65 bilyon para sa irigasyon
- P15 bilyon para sa research and development
Sa kagyat, maaari naman na raw tugunan ng gobyerno ang hinain ng mga magsasaka mula pa noong 2020 lockdown na P15,000 production subsidy at P10,000 cash assistance sa mga mahihirap na pamilya. Aniya, ilang ulit na raw kasi silang nalugi bunga ng mababang presyo ng palay at "wala nang mabili" buhat ng inflation.