MANILA, Philippines — Ilang araw bago bumaba sa pwesto, sinabi ni outgoing President Rodrigo Duterte na ginamit niya ang kanyang “presidential powers” laban sa dating broadcast giant na ABS-CBN — network na wala nang prangkisa sa ngayon.
"I used the presidential powers to tell Congress that you are dealing with scoundrels and if you continue to kowtow with them, kawawa ang Pilipino," ani Duterte sa oath-taking ng mga bagong halal na opisyal sa Davao City, Lunes.
Related Stories
Nawala sa ere ang ABS-CBN noong Mayo 2020 matapos ang cease and desist order ng National Telecommunications Commission kasunod ng pagkapaso ng prangkisa. Tinawag ito ng mga kritiko’t media organizations na isang uri ng pag-atake sa malayang pamamahayag.
Dalawang buwan matapos ‘yon, tinanggihan ng Committee on Legislative Franchises ng House of Representatives ang aplikasyon ng broadcast giant ng 25-year franchise upang makapag operate itong muli.
Sa kanyang talumpati, iginiit din ni Duterte na “never” nagbayad ng buwis ang media company, bagay na hindi totoo.
“Kaya tinira ko talaga sila (ABS-CBN),” dagdag pa ni Duterte.
Parehong sinabi naman ng Securities and Exchange Commission at Bureau of Internal Revenue noong Pebrero 2020 na hindi lumabag sa anumang corporate laws ang ABS-CBN at regular na nagbabayad ng buwis.
Matatandaang mariing sinasabi ni dating presidential spokesperson Harry Roque na “neutral” ang pangulo sa usaping franchise ng dating broadcast giant.
Ani pa ni Roque na walang awtoridad ang pangulo na palawigin o i-delay ang renewal ng prangkisa ng network.
“He will not take it against [lawmakers] if the franchise bill is passed by Congress or not. He is completely neutral on the issue. Vote as your conscience dictates,” ani Roque noong 2020.
Dati nang may galit si Duterte sa ABS-CBN, dahil sa hindi pag-ere ng ilan niyang political ads kahit na nabayaran na. Humingi ng tawad ang Kapamilya network sa isyung ‘yon, bagay na “pinatawad” naman daw ni Digong. — Philstar.com intern John Vincent Pagaduan