MANILA, Philippines — Umaasa si Pangulong Rodrigo Duterte na itutuloy ni presumptive president Ferdinand Marcos Jr. ang planong paggamit ng nuclear energy na sinimulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos pero hindi natuloy.
Ayon sa Pangulo, si Marcos naman ang nagpagawa ng nuclear power plant sa Bataan kaya dapat tingnan nang susunod na administrasyon ang paggamit nito.
Ipinunto ni Duterte na mauubos ang langis sa hinaharap kaya dapat pag-isipan ang paggamit ng nuclear energy.
“Kaya we are not yet dito sa nuclear level but I hope that the next administration would at least explore now the possibility of itong nuclear… Tutal ang nag-umpisa naman nito si Marcos noon. Nagpagawa siya ng nuclear plant but ano… You know oil is not infinite, may katapusan ‘yan. Someday it will dry up,” sabi ni Duterte.
Binanggit ni Duterte na “forever” ang nuclear energy bagaman at delikado katulad nang nangyari sa Chernobyl ng Ukraine na nagkaroon ng leak na sanhi ng radiation.
Ayon pa sa Pangulo, patuloy ang pagmahal ng presyo ng langis dahil wala nito sa Pilipinas at kailangan pang mag-import sa ibang bansa.