Expanded Maternity Leave, 105 days na!
MANILA, Philippines — Nilagdaan na bilang bagong batas ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11210 o Extended Maternity Leave.
Mula sa kasalukuyang 60 araw ay 105 days na ang paid maternity leave para sa lahat ng working mother sa government at private sector at puwedeng palawigin pa ng 30 araw pero without pay.
Nakapaloob din sa Expanded Maternity Act of 2018 na ang 7 araw mula sa 105 days maternity leave ay puwedeng ilipat sa ama upang maging 14 days na ang paid paternity leave.
Nagpasalamat naman si House Deputy Speaker Pia Cayetano kay Pangulong Duterte sa paglagda niya sa Expanded Maternity Leave Act.
“Ang mas mahabang araw ng maternity leave ay makakapagbigay ng panahon para sa mga nanay na magpagaling pagtapos manganak at maalagaan pa ang kanilang bagong panganak na sanggol,” ani Cayetano.
Simula pa noong 16th Congress ay ipinaglaban na ni Congresswoman Pia ang panukalang pahabain ang maternity leave ng mga kababaihang nagtatrabaho.
Nagpasalamat naman ang kinatawan ng Taguig kay Pangulong Duterte sa pakikinig sa kanyang posisyon ukol sa pangangailangan ng batas para sa mga kababaihang nagtatrabaho, at maging sa pagsuporta sa kanyang mungkahi.
Sinabi mismo ng Pangulo noong inendorso niya si Cayetano sa rally ng PDP-Laban sa Bulacan nitong huling linggo na handa siyang makinig sa mungkahi ng babaeng mambabatas pagdating sa pagtugon sa mga problema ng bansa.
“Ang panukala tungkol sa maternity leave ay tila isang sanggol na hinintay kong maipanganak. Sa mahabang panahon, simula pa noong nasa Senado pa ako, talagang pinagsikapan ko ang pagpasa ng panukalang-batas na ito,” paglilinaw ni Cayetano.
Matapos ang mahigit dalawang dekada, ngayon lang ulit nakapagpasa ng batas na nagdadagdag ng benepisyo sa mga kababaihang nagdadalantao.
Ayon kay Cayetano, ang bagong batas sa maternity leave ay tinuturing na maagang regalo ni Pangulong Duterte para sa pagdiriwang ng Araw ng Kababaihan sa Marso, lalo na para sa mga “working mother”.
- Latest