8 Scalpers nalambat sa Araneta
MANILA, Philippines - Nalambat ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang walong scalpers na responsable sa pagbebenta ng mataas na presyo ng ticket para sa laban kahapon ng Barangay Ginebra at Alaska Aces sa labas ng Smart Araneta Coliseum.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Wilfedo Javier, 51 ng Gen. Trias, Cavite; Rene Sioco Jr., 34, ng Singalong, Manila; Darwin Lumiba, 27 ng Brgy. Socorro, Cubao, QC; Alexander Mendoza, 38, ng Mandaluyong City; Anabel Argueza, 39 ng Sampaloc, Manila; Rosalie Guevarra, 42 ng Pasay City; Susan Nuñez, 57 ng Pasay City; at Reggie Malapitan, 24 ng Cubao, QC.
Ang mga suspek ay nadakip ng mga operatiba ng District Special Operations Unit (DSOU) base sa sumbong ng mga ilang concerned citizen hingil sa talamak na bentahan ng mahal na ticket para sa laban ng dalawang nabanggit na team sa labas ng naturang coliseum.
Sinasabing halos nasa 70% hanggang 100% ang halaga ng ticket na ibinibenta ng mga naturang suspek na isang paglabag anya sa City Ordinance No. SP-493, S-97 o selling overpriced tickets.
Dakong alas-4:00 ng hapon nang salakayin ng tropa ng DSOU ang Smart Araneta Coliseum kung saan nakumpirma ang presensya ng mga suspek at sila’y pinaghuhuli.
Nasamsam mula sa mga suspek ang anim na cellphone at 29 na mga ticket sa nasabing game na naka-imprenta ang presyo na mula sa P350.00 to P850.00, pero ibinibenta nila ng doble sa presyo dahil lahat ng mga ticket sa booths ay sold out na.
- Latest