Aktres nganga sa balik-tambalan sa ‘loveteam’
Nakalulungkot naman kung hindi matutuloy ang isang proyektong pinananabikan ng mga tagasuporta ng isang tambalan. Nakakasa na ang materyal, pati ang kanilang mga makakasama sana sa pelikula ay inaareglo na rin, pero mukhang lumabo na naman ang takbo ng kuwento ng kanilang tambalan.
Ayon sa mga impormante ay wala sa babae ang problema dahil naghihintay lang ito ng tawag mula sa produksiyon. Nakahanda ang aktres anumang oras sa ngalan ng propesyonalismo.
Kuwento ng aming source, “Wala talaga sa girl ang problema, nasa lalaki. Napakalaki kasi ng hinihingi niyang talent fee, parang tatlong pelikula na ang gagawin niya sa sobrang taas, promise!
“Ang katwiran ng male personality, sakali man daw na hindi kumita ang movie nila, e, okey na siya, kumita na siya, hawak na niya ang pera.
“Kung kikita raw naman ang movie, e, ‘di mas maganda, masusundan pa uli ‘yun, kikita na naman siya! Nakakaloka naman ang taong ‘yun, napakasigurista niya!” simulang kuwento ng aming impormante.
‘Yun kuno ang dahilan kung bakit malabong matuloy ang muli nilang pagsasama ng aktres na hindi lang basta naging bahagi ng kanyang career kundi pati ng personal niyang buhay.
Muling hirit ng aming source, “Sayang na sayang naman ang project, ‘di ba? Ang dami-daming fans nila ng girl ang mabibigo. Matagal na nilang hinihintay ang pelikulang ‘yun, asang-asa na silang matutuloy, pero hindi naman pala dahil sa laki ng TF na hinihingi ng aktor!
“Nakakaloka siya, hindi man lang niya binigyan ng importance ang mga taong naging dahilan kung bakit siya nakarating sa kinaroroonan niya ngayon. Milyun-milyon ang hinihingi niyang talent fee, nagsiguro na agad siya, sumemplang man daw sa box-office ang movie nila ng girl, e, compensated na siya!
“Talagang pera-pera lang pala ang habol niya sa pagbabalik-tambalan nila, akala pa naman ng mga fans nila, e, sabik na rin siyang makatrabaho ang aktres na napakalaki ng nagawa sa career niya!
“Pero hindi naman pala ‘yun ang dahilan, pera-pera lang pala!” pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Mocha kinakalaban ang mga kasamahan sa MTRCB
Pakiramdam ni Mocha Uson ngayon ay pinagkakaisahan siya ng mga kapwa niya board members ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB). Bayaning-bayani ang dating ni Mocha sa kanyang social media blog dahil parang pinalalabas niya na gusto niyang supilin ang mga kalabisan sa ahensiya pero mag-isa lang naman pala siyang lumalaban.
Hindi siya madalas na pumapasok sa opisina, hindi rin siya nakikilahok nang madalas sa pagrerebyu ng mga palabas sa telebisyon, pero marami siyang kuda sa kanyang blog.
Marami tuloy ang nagtatanong kung siya ba ay ipinuwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa MTRCB hindi para magsunog ng kilay sa pagrerepaso sa mga palabas kundi para maging espiya lang?
Hindi maganda sa panlasa ang mga ginagawa ni Mocha. Sa halip na kumilos siya na kaisa ang iba pang mga board members na dinatnan niya ay siya pa mismo ang parang sumisira sa integridad ng MTRCB.
Ang kanyang depensa ay wala raw kahit sinong may karapatan na pigilan siya sa mga gusto niyang sabihin, bakit daw ba natatakot ang mga kasamahan niya sa MTRCB sa kanyang ginagawa, may itinatago raw ba kasi ang mga ito na natatakot mabulgar?
At sa sarili naming pag-aanalisa ay unti-unti na naming napag-aaralan ang ugali ng sexy singer. Palagi siyang nasa kabilang bakod, kapag oo ang sagot ng iba ay hindi naman siya, gusto niyang mapaiba.
May mga taong ganu’n. Hindi sila nakikisabay sa agos, kinokontra nila ‘yun, dahil mas masaya silang hindi kaisa ng kanilang mga kasamahan.
Parang ganu’n lumalabas si Mocha. Pagiging board member ang posisyong ibinigay sa kanya ng pangulo, kailangang palagi siyang pumapasok para kasama siyang nagrerebyu ng mga materyales sa telebisyon na kinukuwestiyon niya, pero tumutupad ba siya sa kanyang tungkulin?
Sa halip na gawin ang kanyang trabaho ay arya siya nang arya, kung anu-anong senaryo ang pinalalabas niya, tapos ngayon ay may lakas ng loob pa siyang magsabi na wala raw siyang kakampi sa MTRCB?
Haaay, naku!
- Latest