Baste, Beda volleybelles gustong makisosyo sa No. 1
MANILA, Philippines – Kapwa hangad ng San Sebastian College Lady Stags at San Beda College Red Lionesses ang makisos-yo muli sa liderato sa kanilang pagtatagpo ngayon sa women’s division ng 92nd National Collegiate Athletic Association (NCAA) volleyball tournament na gaganapin sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Tabla sa 3-0 win-loss slate ang Lady Stags at Red Lioness bago sa kanilang paghaharap sa alas-11 ng umaga.
Ang mananalo ay makakasama ng pahi-ngang College of St. Benilde Lady Blazers sa liderato sa 4-0 kartada.
Inaasahan ng Lady Stags ang magandang laro mula kay Gretchel Soltones. Matagal na ring inaasam ng koponan na makabalik sa kampeonato.
Ang back-to-back MVP na si Soltones ay pang-apat sa scoring ng liga sa kanyang average na 16 hits bawat laro. Sina Joyce Sta. Rita at Kathe-rin Villegas na umaani rin ng tig-12 puntos bawat laro ay inaasahan din na magdadala sa kanilang hangarin na magandang kampanya sa taong ito.
Ngunit target din ng Red Lionesses na manatili sa liderato at sasandal sila kina Francesca Racraquin, ang pang-anim na best scorer ng liga. Si Racraquin ay gumagawa rin ng 15 puntos bawat laro kaya inaasahan ang magandang laro sa dalawang koponan na ito.
Ang Lady Chiefs naman ay haharap sa Letran sa alas-12:30 ng tanghali.
Target ng Arellano na ma-improve ang kanilang 2-1 kartada laban sa wala pang panalong Knights.
Sa juniors division, maglalaban naman ang San Beda Red Cubs kontra sa San Sebastian Staglets ganap alas-8 ng umaga habang ang Letran ay makikipagtuos laban sa Arellano ganap na alas-2:00 ng hapon.
- Latest