EDITORYAL - Bawal na ang yosi kadiri
SA wakas, nilagdaan na rin ni President Rodrigo Duterye ang Executive 26 na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar ganundin sa loob ng mga gusali. Hindi na basta-basta makapagsisindi ng yosi ang sinuman. Kailangang sa designated smoking areas lamang maaaring manigarilyo. Sakop din ng kautusan ang pagbabawal sa mga menor-de-edad na manigarilyo at magtinda ng sigarilyo. Bawal ding magtinda ng sigarilyo sa mga lugar na kadalasang pinupuntahan ng mga menor-de-edad. Hinihikayat naman ang local government units (LGUs) na ipatupad ang pagbabawal sa paninigarilyo. Hindi dapat maging dekorasyon ang kautusan ng Presidente. Hindi dapat ningas-kugon sa pagkakataong ito. Marami nang batas sa bansa ang hindi naiimplement. Mahusay lamang sa una pero pagtumagal, wala na.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar ay ipinatutupad upang makaiwas sa pagkakasakit ang mamamayan. Ang second hand smoke ay mas matindi ang epekto sa mga nakalalanghap nito.
Ayon sa World Health Organization (WHO), limang milyong tao ang namamatay taun-taon at maaaring lomobo ito sa walong milyon sa 2030 kung hindi magkakaroon nang seryosong kampanya sa paninigarilyo.
Ayon sa DOH, ang mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo ay hypertension, heart attack, stroke, cancer at lung disease. Umano’y 14 milyong Pinoy ang may hypertension at ang dahilan ay ang paninigarilyo. Ang chronic obstruction pulmonary disease (COPD) ay isa sa mga sakit na dulot ng paninigarilyo. Habambuhay na ang sakit na ito na kinapapalooban ng mahirap na paghinga.
Payo sa pamahalaan, isang magandang gawin para mapigilan ang pagyoyosi ay itaas ang presyo ng sigarilyo. Gawing P500 ang isang kaha para wala nang magyosi. Nararapat nang maitigil ang nakamamatay na bisyong ito.
- Latest