Aso sa Ecuador, namatay sa pagod matapos makapagligtas ng 7 katao mula sa mga gumuhong gusali
ISANG apat na taong gulang na rescue dog na nagngangalang Dyko ang namatay matapos mailigtas ang pitong kataong naipit sa ilalim ng mga gumuhong gusali sa Ecuador makaraang tamaan ng 7.8 magnitude na lindol noong nakaraang Abril 16.
Kasama ang yellow Labrador na si Dyko sa mga bumberong rumesponde upang iligtas ang mga taong nabaon ng buhay sa ilalim ng mga gumuhong gusali.
Nasa pitong katao ang nailigtas ni Dyko matapos ang kanyang walang tigil na paghahanap sa mga maaring nakaligtas sa pagguho ng mga gusali. Sa kasamaang palad ay bumigay ang puso ni Dyko dahil sa pagod matapos ang ilang araw niyang pagsagip sa mga survivors nang walang pahinga.
Ayon sa mga bumbero, matinding atake sa puso ang ikinamatay ni Dyko. Dahil sa nangyari ay binigyan ng mga bumbero si Dyko ng parangal bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan at sa tatlong taon niyang pagseserbisyo bilang kasapi ng kanilang K9 unit.
Matindi ang naging pinsala ng lindol sa Ecuador noong April 16. Tinatayang nasa 654 na katao ang namatay samantalang humigit-kumulang 2,000 katao naman ang sugatan dahil sa mga pagguho.
- Latest