EDITORYAL - Pagtaas ng presyo ng bigas at iba pa
T UMAAS ang presyo ng bigas, bawang, asukal at iba pang produkto. Dalawang piso ang itinaas ng bigas bawat kilo. Mataas ito. Yung mga kumikita nang kakarampot ay malaking pahirap ang P2 na dagdag sa kilo ng bigas.
At sa kabila na tumaas ang bigas, wala namang marinig na paliwanag kay Agriculture secretary Proceso Alcala. Nasaan na siya? Tanging ang nagsasalita ay ang taga-National Food Authority (NFA) pero hindi maunawaan ang kanilang paliwanag kung bakit nagtaas ang bigas.
Dapat bang magmahal ang bigas gayung laging sinaÂsabi ni President Noynoy Aquino na sapat ang bigas? Maging si Alcala ay nagsabi noon na hindi kukulangin ang bigas. Pati ang NFA ay ganito rin ang sinasabi. Wala raw kakulangan. E bakit kailangang magmahal? Ang sabi naman ng Malacañang, pansamantala lamang ang pagtaas ng presyo. Babalik din daw ito sa normal kapag nagsimula ang pagtatanim at pag-aani.
Madalas purihin ni P-Noy si Alcala. Malaki ang tiwala niya rito. Katunayan, maski sa kanyang mga State of the Nation Address (SONA) ay lagi niya itong binabanggit. Noong SONA ng 2012, sinabi ni Aquino na nasa tuktok ng pag-unlad ang agrikultura. Maunlad na maunlad umano ang departamento. At iyan daw ay dahil sa kayod-kalabaw na ginagawa ni Alcala. Sa dakong huli ng SONA, sinabi ni P-Noy, ‘‘Huwag lang po tayong pagsungitan ng panahon, harinawa, sa susunod na taon ay puwede na tayong mag-export ng bigas.â€
Maski sa kanyang SONA noong nakaraang taon ay pinuri uli niya ang pinamumunuang tanggapan ni Alcala. Natupad din daw ang pagpapalakas sa sector ng agrikultura. Hindi na raw malaki ang aangkating bigas ng bansa dahil sa mahusay na pamamahala ni Alcala. Sabi pa ni P-Noy. “Hindi na rin kailangan pang mag-angkat ng pribadong sektor. Dagdag pa diyan, nagsimula na tayong mag-export ng matataas na uri ng bigas.â€
Ang tanong ngayon, bakit mahal ang bigas. Bakit kailangang mahirapan ang mahihirap sa bansang ito na malawak ang lupain?
- Latest