EDITORYAL - Picture ng sakit na nakukuha sa paninigarilyo, ilagay sa pakete
ANG Hunyo ay idineklarang “National No-Smoking Month†sa bisa ng Presidential Proclamation 183 na nilagdaan noong 1993. Pero walang epekto sa marami sapagkat marami pa rin ang naninigarilyo kahit sa pampublikong lugar. Walang ngipin ang batas sa bansang ito kung ang pag-uusapan ay ang paninigarilyo. Marami ang walang disiplina at hindi mapigilan sa bisyong paninigarilyo kahit nagdudulot nang malulubhang sakit.
Kahit pa nagmahal ang sigarilyo dahil sa Sin Tax Bill na pinatupad noong 2012, marami pa rin ang naninigarilyo. Kahit pa taasan ang presyo, marami pa rin ang bibili para mapagbigyan ang pagkalulong sa bisyo. Dahil marami ang hindi makaiwas sa bisyo, maraming magkakasakit at mamamatay.
Pinanukala ni Senator Pia Cayetano na para makaiwas sa paninigarilyo, dapat nang i-print o ilagay sa kaha ng sigarilyo ang mga sakit na nakukuha sa pagyoyosi. Ang panukala ay nakapaloob sa Senate Bill 3283. Ayon kay Cayetano, epektibo ang paglalagay ng graphic warnings sa kaha sapagkat nahihikayat ang mga nagyoyosi na tumigil na sa bisyo.
Ang mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo ay cancer sa lalamunan, cancer sa baga, sugat sa pisngi at dila, at marami pang iba.
Kung ang mga picture ng nabanggit na sakit ay mailalagay sa kaha o pakete, matatakot ang smoker at titigil na sa bisyo. Magkakaroon ng epekto sa kanya ang mga malulubhang sakit kapag hindi tumigil sa paninigarilyo.
Dapat suportahan ang panukala ni Cayetano. Panahon na upang ilagay sa pakete ang nakamamatay na sakit dahil sa paninigarilyo.
- Latest