Utol ni Coco mas sikat na sa ‘asawa’
Isa sa 20 manonood ng mga pelikulang lokal lamang ang marahil nakakakilala kay Hasmine Killip, isa sa maituturing na baguhang artista na sa isang indie film at hindi mainstream unang napanood.
Buti pa ang katambal niya sa Pamilya Ordinaryo na si Ronwaldo Martin ay unti-unti nang nakikilala lalo’t tumutulong na ang sikat na kapatid nitong aktor na si Coco Martin para siya maipakilala sa pamamagitan ng pagbibigay dito ng role sa Ang Probinsyano. Maski na sa mga interview at write-ups ay ina-acknowledge na ng sikat na aktor ang pagiging magkadugo nila. Idagdag pa ang pangyayaring mabenta siya sa indie films at nagpapamalas ng talento sa pag-arte. Pero si Hasmine is totally unknown until makuha siya sa Pamilya Ordinaryo na bago pa napanood dito ay pinalakpakan na at napansin na ng foreign audience.
Sayang at wala ito sa bansa, it was her time to shine and be recognized na sana dahil siya ang itinanghal na Best Actress ng Gawad Urian.
Kahit aligaga sa Kongreso Vilma tutok sa relasyon nina Luis at Jessy
Hindi man nanalo si Cong. Vilma Santos sa katatapos na Gawad Urian para sa kanyang pelikulang Everything About Her, mas malaking karangalan naman ang nakamit niya dahil siya ang tumanggap ng parangal bilang Natata nging Ulirang Artista.
Maliwanag naman na nakita ng lahat na walang bitterness o panghihinayang sa mukha ng aktres/pulitiko na miminsan na lamang gumawa ng pelikula, pero hindi nanalo.
Sa kanyang interview matapos niyang matanggap ang kanyang parangal, sinabi ng aktres na nasasabik na siyang humarap muli sa kamera, pero dahil sa kanyang kaabalahan sa Kongreso ay baka tuwing ikalawang taon na lamang niya ito magagawa.
Buti pa ang relasyon ng kanyang anak na si Luis Manzano at ng girlfriend nitong si Jessy Mendiola ay nasusubaybayan niya. At apektado siya sa mga bashing sa kanyang anak. Hiniling niya na “Pabayaan natin silang maging maligaya”.
‘Yan ang nanay!
Christian nagbenta ng mga pampapayat para makapag-workshop
Milagro at pumayag si John Lloyd Cruz na samahan si Christian Bables at hintayin itong makatapos ng kanyang interview ni Boy Abunda. Inaasahan ng lahat na hindi pa nakaka-recover si Lloydie sa naging pagkatalo niya sa baguhang aktor bilang Best Supporting Actor sa Gawad Urian. Parehong nominado sina Lloydie at Christian bilang Pangalawang Pinakamahusay Na Aktor. Si Lloydie para sa Ang Babaeng Humayo at si Christian para sa Die Beautiful. Nanalo rin ang bida ng pelikula na si Paolo Ballesteros.
Mukha namang tanggap ni Lloydie ang pagkatalo niya para samahan si Christian para magpa-interview sa King of Talk at para rin mag-promote ng pelikula nilang Finally Found Someone. Kaka-touch ‘yung kwento ng bagong aktor na bago ang Die Beautiful ay isa siyang struggling actor, walang suporta maski mula sa kanyang pamilya. “Nagbu-bus ako mula Cavite hanggang ABS-CBN at pauwi. Nagta-tricycle ako papuntang workshop. Kinailangan ko ring magbenta ng mga produktong pampapayat para may pambayad ako sa workshop,” walang pangingimi niyang pag-amin.
- Latest