EDITORYAL - Sakripisyo ng OFWs
HANDA raw lumuhod si President Duterte sa harap ng overseas Filipino workers (OFWs) para ipakita na kinikilala niya ang pagsasakripisyo ng mga ito. Alam daw niya na malaki ang naitutulong ng OFWs para sa kaunlaran ng bansa. Kung hindi raw sa bilyong pisong nire-remit ng OFWs sa kanilang pamilya, hindi makababangon ang bansa sa krisis. Alam daw niya ang paghihirap at pagtitiis ng OFWs kaya naman gagawin niya ang lahat para matulungan ang mga nangangailangan lalo ang mga minamaltrato at inaabuso ng kanilang employer. Gagawa siya nang paraan para maiuwi lahat sa bansa ang mga distressed OFWs na karamihan ay nasa Saudi Arabia at Kuwait. Maraming OFW sa nasabing bansa ang tumatakas sa kanilang amo.
Nang dumating si Duterte noong Lunes ng madaling araw mula sa anim na araw na pagbisita sa Saudi Arabia, Bahrain at Qatar, kasama niya ang 151 runaway OFWs. Karamihan sa mga ito ay biktima ng pagmamaltrato, hindi sinusuwelduhan at ang iba ay pinagtangkaang gahasain ng among lalaki. Pinili nilang tumakas at nagkanlong sa embahada.
Maraming pangako si Duterte sa mga OFW. Ilan dito ay ang pagpapatayo ng ospital para sa mga OFW. Lahat nang mga may sakit at matatandang OFWs ay prayoridad sa balak na ospital. Maghahanap umano siya ng pera para maitayo ang ospital. Kung kailangang holdapin ang Central Bank ay gagawin niya para maipagpatayo ng ospital ang OFWs.
Isa pa sa balak ng Presidente ay ang pagtatatag ng Department of Overseas Filipino Workers. Hangarin nang itatatag na departamento na matulungan ang mga nangangailangang OFWs at kanilang pamilya. Pinuri si Duterte ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa balak na ito.
“Bagong bayani” ang tawag sa OFWs pero dahil nakakaligtaan o nalilimutan sila ng pamahalaan nagiging “Bigong bayani” ang kanilang hinahantungan. Pawang papuri lamang ang ipinagkakaloob at walang aksiyon sa mga minaltrato at inaping OFWs.
Sana nga ay magkatotoo ang pangako ni Duterte sa OFWs. Matagal nang umaasa ang mga “bagong bayani” sa kalinga ng pamahalaan. Hindi na sana mabigo ngayon ang OFWs.
- Latest