San Beda amoy ang sweep sa men’s football
MANILA, Philippines – Kumana si Filipino-British Connor Tacagni ng dalawang goals upang hatakin ang San Beda College sa 2-1 come-from-behind win laban sa Lyceum of the Philippines University at makalapit sa inaasam na sweep sa NCAA Season 92 football tournament kahapon sa Rizal Memorial Football Field.
Naitala ni striker Riel Mark Subebe ang goal sa ika-15 minuto ng laban upang dalhin ang Pirates sa 1-0 kalamangan.
Subalit hindi agad sumuko ang Red Booters nang pamunuan ng 24-anyos na si Tacagni, mula sa Manchester, England, ang ratsada makaraang isalpak ang umaatikabong goal sa ika-41 minuto upang maitabla ang laro.
Muling umariba si Tacagni sa second half nang humataw ng isa pang goal sa ika-81 minuto para tuluyang angkinin ng Red Booters ang panalo.
“I just focused on helping my team win,” ani Tacagni.
Dalawang panalo na lamang ang kinakailangan ng San Beda upang makumpleto ang minimithing sweep na magbibigay sa kanila ng awtomaikong titulo.
Makakasagupa ng San Beda ang defending champion na Arellano University bukas kasunod ang pakikipagtuos sa College of St. Benilde.
Kung maisasakatuparan ng Red Booters ang sweep, ito ang kanilang magiging ika-22 korona sa liga.
- Latest