‘Di puwedeng akusahang hometown decision Pinay na si Jamie Herrell deserving na Miss Earth
Deserving si Jamie Herrell bilang Miss Earth 2014 dahil maganda at matalino siya. The who si Jamie? Siya ang naging pambato ng Pilipinas sa Miss Earth 2014 at nag-take home ng korona at beauty title. I’m sure, may mga magsasabi na baka hometown decision ang resulta ng beauty contest pero deserving talaga si Jamie na mag-win. Kumpleto na ang mga international beauty title na napanalunan ng bansa natin dahil sa tagumpay noong 2013 nina Miss World Megan Young, Miss International Bea Rose Santiago, at Miss Supranational Mutya Datul. Isang international beauty title na lang ang mailap, ang Miss Universe na muntik nang makuha ni Janine Tugonon noong 2012. Sa susunod na buwan pa ang Miss Universe na sasalihan ni MJ Lastimosa. Kapag nag-win si MJ, tiyak na magpipista ang buong Pilipinas.
Misa para kay Samboy
Isang misa ang ginanap kagabi para sa paggaling ng former PBA player na si Samboy Lim na naka-confine pa rin sa ICU ng The Medical City. Hindi nawawalan ng pag-asa ang pamilya at supporters ni Samboy na malalampasan nito ang health crisis na pinagdaraanan. Biglang nag-collapse si Samboy sa isang exhibition game sa Ynares Sports Arena sa Pasig City noong Friday night. Mga butler ng isang hotel ang kalaban ng team ni Samboy sa basketball game na hindi natapos dahil sa nangyari sa kanya. Ikinabigla ng mga butler ang event na masaya sana pero nabahiran ng sobrang kalungkutan. Kasama sila sa mga nagdarasal para sa kaligtasan ng nagkasakit na PBA icon.
Alang-alang sa pagtitipid aktor ‘di ginagamit ang sasakyan, hilig din palibre sa abroad
Hindi ginagamit ng isang aktor ang sariling sasakyan kapag pumupunta siya sa taping ng kanyang TV show, sa ngalan ng pagtitipid. Pinaiiral ng aktor ang pagiging makunat kesa gumastos siya sa gasolina. Hindi kalayuan sa bahay ng aktor ang location ng taping at dahil sa kakuriputan niya, ang service van ng TV network ang kanyang ginagamit. Hatid-sundo ng service van ang aktor na mabilis ang pagyaman dahil sa kanyang lifestyle. Kapag may mga show naman sa ibang bansa ang aktor, isinasama niya ang buong pamilya pero ang pobreng produ ang kanyang pinapasagot sa lahat ng gastos.
Ala eh! Festival aariba na
Para sa mga nakakalimot, ngayon ang opisyal na pagsisimula ng Ala Eh! Festival ng lalawigan ng Batangas. Project ni Governor Vilma Santos-Recto ang Ala Eh! Festival at gaganapin ito sa bayan ng Taal mula December 1 hanggang December 8. Hindi lamang ang mga Batangueño ang nag-aabang taon-taon sa Ala Eh! Festival dahil dinarayo ito ng maraming tao mula sa iba’t-ibang lugar para makabili sila ng mga produkto ng Batangas sa murang halaga at matikman ang masasarap na Tagalog food. Ang Ala Eh! Festival ang pagkakaabalahan ni Mama Vi sa unang linggo ng December. Sa totoo lang, si Mama Vi rin ang isa sa mga dahilan kaya dinarayo ang annual festival ng Batangas dahil kaligayahan na ng mga tao na makita nang personal ang Star for All Seasons na hindi matatawaran ang integridad bilang public servant. Ang mga katulad ni Mama Vi ang kailangan ng ating bayan sa 2016.
- Latest