Edu pinayuhan si Ronnie na mag-resign na lang sa OMB
Kahapon ang 59th birthday ni Edu Manzano na looking younger everyday.
Walang-wala sa mukha ni Edu na senior citizen na siya sa susunod na taon.
Laman si Edu ng mga balita ilang araw bago siya nag-celebrate ng kanyang birthday dahil sa iringan nila ni Optical Media Board Chairman Ronnie Ricketts.
Pumalag si Edu dahil sa mga pagbabanta na diumano’y natatanggap niya mula sa kampo ni Ronnie na suspended ng Office of the Ombudsman dahil sa bintang na neglect of duty.
Kung tinutukan ninyo ang Startalk noong Sabado, napanood ninyo ang pre-taped phone patch interview namin kay Edu na pinayuhan si Ronnie na mag-resign dahil natapos na ang term nito bilang OMB Chairman noong March 2013. Ipinaliwanag ni Edu na nasa hold over capacity na lang ang panunungkulan ni Ronnie na nag-file ng motion for reconsideration para mabago ang desisyon ng Ombudsman.
Takang-taka si Edu dahil siya ang pinagbibintangan na nagsulsol kay Ombudsman Conchita Carpio Morales para suspendihin si Ronnie. Hindi natutuwa si Edu sa pagkakadamay ng kanyang pangalan dahil matagal na siyang walang pakialam sa OMB mula nang iwanan niya noong 2009 ang puwesto bilang chairman.
Tahimik pa ang kampo ni Ronnie dahil hindi pa nila sinasagot ang mga matapang na pahayag ni Edu laban sa kanila.
Roxanne tama lang na hindi na tumuloy sa Miss World
Hindi na official candidate sa Miss World Philippines 2014 ang alleged rape victim na si Roxanne Cabañero.
Kusang-loob na nag-back out si Roxanne dahil ayaw raw nito na madamay pa sa kontrobersya ang Miss World Philippines 2014 kapag itinuloy pa niya ang pagsali.
Hindi kawalan si Roxanne sa listahan ng official candidates. Kahit hindi siya nag-back out, talagang magdedesisyon ang pageant organizer na alisin si Roxanne dahil sa paglabag niya sa mga ipinatutupad na batas.
Hindi naman isyu sa Miss World Philippines ang pagiging alleged rape victim ni Cabañero pero malinaw na lampas na siya sa age requirement at kahit i-deny nang maraming beses, kamukhang-kamukha niya ang babae sa nude pictures na kumalat na dahilan kaya natsugi siya sa Bb. Pilipinas 2011.
Hindi magiging parehas ang Miss World Philippines organizer sa ibang mga kandidata kung hindi nila aalisin sa official list si Roxanne. Hindi nila hahayaan na masira ang reputasyon ng Miss World Philippines nang dahil lamang sa isang kandidata.
Akting ni Alfred hind pa rin kinakalawang
Ang episode ng Magpakailanman noong Sabado ang unang television guesting ni House Representative Alfred Vargas sa isang drama anthology matapos ang matagal na panahon.
By choice ang hindi pag-apir ni Alfred sa TV dahil ang constituents sa District 5 ng Quezon City ang kanyang top priority.
Si Alfred ang gumanap na asawa ni Gwen Zamora sa Magpakailanman noong Sabado. In fairness, hindi naman kinalawang ang talent ni Alfred sa pag-arte.
Biktima nga pala si Alfred ng mga maling tsismis. May mga nagmamarunong na nagkakalat ng balita na kakandidato siya bilang vice-mayor ng Quezon City sa 2016. Hindi totoo ang mga tsismis dahil kung may unang makakaalam sa mga desisyon ni Alfred tungkol sa political career niya, ako ‘yon dahil isa ako sa kanyang mga unang sinasabihan at kinokonsulta.
Sasagutin ni Alfred ang isyu sa kanyang 1st Congressional Report to the People of Novaliches na malapit nang mangyari sa Rosa Susano Elementary School sa Barangay Gulod, Novaliches, Quezon City.
- Latest