Angeline sobra na ang pagka-in love kay Erik
Matagal nang nagtapos ang kabanata ng pag-ibig sa buhay ni Erik Santos at Rufa Mae Quinto, pero hanggang ngayon ay pinagdududahan pa rin ng marami kung totoo ngang may naganap na relasyon sa pagitan nila. Unlike many na mga hiwalay nang couple, maganda pa rin ang relasyon ng dalawa hanggang ngayon, isang dahilan kung kaya pinaniniwalaan ng marami na walang ugnayan na namagitan sa kanilang dalawa, bukod sa pagiging magkaibigan. Walang mag-ex ang nananatiling maganda ang relasyon matapos silang maghiwalay.
Pero habang tila hindi na naghahanap pa ang seksing komedyana ng kapalit ni Erik, heto ang singer at mistulang nanliligaw kay Angeline Quinto, pero si Angeline mismo ay hindi makatiyak sa tunay na intensyon sa kanya ng binata dahil wala namang namumutawing words of love para sa kanya mula rito. Buti pa si Angeline, nagagawang ipakilala si Erik bilang pinakamamahal niya, pero si Erik wala talaga! Tuloy, inaadbaysan si Angeline na huwag masyadong maging open sa kanyang feelings dahil baka pakikipagkaibigan lamang ang layon sa kanya ng binata. Pero huwag kayo, sa isang malayong engagement ni Angeline rito lamang sa Metro Manila, ay sorpresang dumating si Erik para siya suportahan.
Samantala, lumabas na ang OST na ginawa ni Angeline para sa seryeng Sana Bukas pa ang Kahapon at ito na marahil ang pinakamagandang album na ginawa niya. Mukhang inspired na inspired siya habang ginagawa ito kaya lumabas na napakaganda ang bersyon niya ng maraming awitin na nakapaloob sa album tulad ng Why Can’t It Be?, Hindi Ko Kaya, Muli at marami pang iba. Hindi pa man ito lumalabas sa mga record bars ay marami na ang naghahanap ng kopya. At base lamang ito sa mga music video na lumalabas at napapanood ngayon sa TV.
Aiza inaasahang mag-aangat sa concert ng BCWMH
Maging ang producer ng Be Careful With My Heart (BCWMH) sa TV ay hindi masabi kung hanggang kailan pa tatagal ang kanilang serye. Halos dalawang taon na itong tumatakbo sa ere. Katunayan, may thanksgiving concert nga silang gagawin bilang pasasalamat sa kanilang manonood na walang sawa sa pagsubaybay kina Maya at Ser Chief. Kahit na naglalakihan na ang kambal nilang mga anak at ang mga artistang lumalabas dito ay nagbago na ang mga buhay at nagkaroon na ng magandang karera, hindi pa rin sila tinatantanan ng viewers. Si Richard Yap ay suwerteng hindi siya nagkamali na mas pinili ang pagiging artista kaysa sa maunlad na niyang trabaho bilang isang marketing man. Kinikilala na rin ang kanyang talento sa pag-arte. Si Jodi Sta. Maria ay dati nang isang mahusay na aktres, ngayon ay nagpapakilala siya bilang isang singer.
Marami sa mga kasamahan nila ay mayro’n nang magagandang karir, tulad nina Jerome Ponce, at Janella Salvador, mga itinuturing na young achievers. Ang mga gumaganap ng roles bilang maids of honor, ay nakakapagpaaral na ng kanilang mga anak sa private schools. Ang reyna ng Visayan movies na si Gloria Sevilla ay gumaganap bilang Manang Fe na maraming raket. Si Aiza Seguerra, ang hinuhulaang magiging buhay ng free concert ng BCWMH dahil siya lamang ang nag-iisang concert artist sa grupo. Enjoy si Aiza sa kanyang pag-aartista at pagiging nanay sa serye, pero umaming nami-miss na niya ang pagkakaro’n ng gig, kaya babawi siya sa thanksgiving concert ng BCWMH na magaganap sa July 28 sa Smart Araneta.
Pati ang bagong magka-love team na sina Sylvia Sanchez at Lito Pimentel ay magdu-duet din.
Gov. Vi magaling na lider sa Batangas
Katulad din naman ng pagtanggap ng marami kay Nora Aunor bilang mahusay na aktres sa kabila ng marami niyang kapintasan, tanggap din naman si Vilma Santos ng mga Batangenyo sa kabila ng hindi niya pagiging mahusay sa spelling.
Wala namang kinalaman sa kanya ang pagiging isang mahusay na opisyal ng gobyerno at sa panig niya ay pagiging isang epektibo at masipag na gobernadora ng Batangas ang pagkakaro’n ng “e’ sa spelling niya ng “truly” o ang pagkawala ng “ed” sa “bless”, ang mas mahalaga ay nagawa niyang tanggapin ang kanyang pagkakamali at tawanan na lang ito sa halip na pag-initan niya ng ulo. At the end of the day what will matter most, ay kung nagawa ba niya ang tungkulin niya bilang ina ng kanyang probinsya. At may makapagsasabi ba na hindi siya isang mahusay na gobernadora?
- Latest