Rivera tatanggap ng President’s Award sa PSA
Noong Setyembre nang pagharian ni Milo Rivera ang Gymkhana Gran Prix sa Taichung, Taiwan kung saan niya tinalo ang 32 pang best slalom at Gymkhana drivers mula sa buong mundo kasama si motorsports legend at 18-time world champion Tetsuya Yamano ng Japan.
Dahil sa kanyang tagumpay sa naturang event ay hinirang ang Pilipinas bilang Overall Nations’ Champions.
Sapat na ito para igawad kay Rivera ang President’s Award ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa kanilang Annual Awards Night na inihahandog ng San Miguel at Milo sa Lunes sa LE PAVILLON.
Sinabi ni PSA president Riera Mallari ng The Standard na karapat-dapat si Rivera para sa nasabing karangalan matapos hirangin bilang National Slalom champion sa ikatlong sunod na taon at naimbitahan ng isang top Formula 3 Team sa Adria, Venice, Italy at naging unang Filipino na kinoronahan bilang ‘FIA Gymkhana’ King makaraang pamahalaan ang 2016 FIA Taiwan Auto Gymkhana Grand Prix.
“For carving his name in the world of motorsports even at a young age, Milo Rivera is truly worthy of the President’s Award the PSA is bestowing for the year 2016,” sabi ni Mallari sa special choice award sa event na itinataguyod ng mga major sponsors na Smart, Rain or Shine, Phoenix Petroleum, Mighty Sports, Gold Toe, Globalport, Foton at ICTSI.
Makakasama ni Rivera si Athlete of the Year Hidilyn Diaz sa mga top awardees sa Pebrero 13 gala night na inihahandog din ng CIGNAL/HYPER HD.
- Latest