Asian Women’s Club Championship pasisinayaan ng drawing of lots
MANILA, Philippines – Handa na ang lahat para sa pagtataguyod ng bansa ng Asian Volleyball Confederation (AVC) Asian Women’s Club Championship tampok ang pagdaraos ng drawing of lots sa Miyerkules sa Foton showroom sa Quezon City.
Dadaluhan nina AVC technical delegate Jaksuwan Tocharoen at AVC marketing and development committee chairman Ramon “Tats” Suzara ang naturang programa na siyang magdedetermina ng mga koponang maglalaban-laban sa eliminasyon.
Hahatiin sa dalawang grupo ang mga bansang kalahok.
Nakuha ng Foton ang karapatang katawanin ang Pilipinas matapos magkampeon sa Philippine Superliga Grand Prix.
Bilang host ng torneo, pinili ng Foton na lumaro sa Group A kasama ang 2015 seventh-placer Vietnam.
Ang iba pang koponan na hahataw sa Group A gayundin ang mga maglalaban-laban sa Group B ay makikilala matapos ang drawing of lots.
Wala pang opisyal na lineup ang Toplander ngunit posibleng muli nitong kunin ang American imports na sina Lindsay Stalzer at Ariel Usher kasama si Kristy Jaekel.
Humingi rin ng tulong ang Foton sa iba’t ibang PSL teams upang makabuo ng solidong koponan.
“The PSL is solidly behind Foton in its goal of forming the best team possible. They don’t want to just simply compete, but they want to make a serious run for the crown and make our country proud,” ani Suzara.
Maliban sa Pilipinas at Vietnam, papalo rin ang Thailand, Japan, China, Chinese-Taipei, Kazakhstan, North Korea, Iran, Turkmenistan, Hong Kong, Indonesia at Malaysia.
Ito ang ikalawang pagkakataon ng Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI) na magtaguyod ng Asian tournament.
Nauna nang ginanap sa bansa ang Asian Under-23 Women’s Championship sa Philsports Arena sa Pasig City.
“Since the PSL is the only club league in the country and a major stakeholder of the LVPI, it is only fitting that we entrust them the hosting of the biggest club tournament in Asia. We’re optimistic that the PSL can pull it off. The entire LVPI board is completely behind them in this endeavor,” ani LVPI President Joey Romasanta.
- Latest