Cignal hiniya ang Petron sa Biñan
Laro sa Martes (The Arena, San Juan City)
4:15 p.m. Petron vs Meralco
6:15 p.m. Cignal vs Philip Gold
MANILA, Philippines – Inilagay ng Cignal HD Lady Spikers ang sarili bilang isa sa mga palaban sa titulo sa 2015 Philippine SuperLiga Grand Prix nang pabagsakin nila ang nagdedepensang kampeon Petron Lady Blaze Spikers 18-25,17-25, 25-16, 25-18, 16-14 sa pagbubukas ng kompetisyon kahapon sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Nanalasa sa ikatlong set si Ariell Elizabeth Usher bago nag-init ang paglalaro nina Fritz Joy Gallenero at Amanda Anderson para makumpleto ng HD Spikers ang pagbangon mula sa bangungot na panimula tungo sa 1-0 karta sa anim na koponang liga na inorganisa ng SportsCore at handog ng Asics at Milo at ipinalalabas sa TV5.
Si Usher ay mayroong 31 puntos 29 dito ay mga matitinding kills habang ang nanggaling sa La Salle Bacolod na si Gallenero ay mayroong 14 puntos, tampok ang 12 kills, para kunin ng Cignal ang 64-50 bentahe sa attack points.
May tig-dalawang blocks pa sina Usher at Gallenero at nagsanib pa sa 17 digs upang tulungan ang koponan sa 9-7 at 35-21 bentahe sa blocks at digs.
Si Anderson ay mayroong 11 puntos at sila ni April Rose Hingpit ay may tig-dalawang aces. Si Hingpit ay nagkaroon pa ng 26 excellent sets at kapos lamang ng lima sa 31 na nagawa ng Brazilian import ng Petron na si Erica Adachi.
Nagtapos sina Dindin Manabat at Aby Maraño taglay ang 16 at 14 puntos ngunit may siyam na puntos lamang si Rupia Inck Furtado para kapusin ng suporta at matapos ang 15-game winning streak ng Petron, tampok ang 13-0 sweep sa All-Filipino Conference.
Nakitaan ng magandang samahan ang Foton Tornadoes para iuwi ang 25-23, 25-22, 25-16 straight sets panalo sa Meralco Power Spikers sa ikalawang laro.
- Latest