‘Mga iskolar, nagbebenta ng ecstasy sa mga campus’
NAGTATANIM ng dealers, distributors o asset sa mga prestihiyosong unibersidad at kolehiyo ang mga sindikatong nasa likod ng high-grade liquid ecstasy. Ito ang impormasyong ibinunyag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa media noong nakaraang linggo base sa field intelligence report nila mismo.
Ilang oras bago isagawa ang dalawang operasyon sa mga suspek na nagpapakalat ng ecstasy, ikinasa ang pre-operational plan kung saan saksi ang iba`t ibang grupo ng media kabilang ang BITAG. Ayon sa PDEA, “iskolar” ang tawag sa mga dealer at distributor ng sindikato na nagbebenta ng ecstasy.
Sadyang pinopondohan ng mga sindikato ang kanilang mga “iskolar”. Pinag-eenrol ng ilang subjects sa mga unibersidad at kolehiyo dahil millennial ang kanilang target na merkado. Nasa hanay daw ng third sex ang mga “iskolar” na ito na nakikisalamuha sa loob ng campus na ang pangunahing pakay, mangalakal ng ipinagbabawal na ecstasy sa mga estudyante.
Dagdag din ng PDEA, mapanganib ang dulot lalo sa mga kababaihang gagamit ng ipinagbabawal na droga na ito. Ilang patak lang daw kasi ng liquid ecstasy sa anumang inumin, talab agad ang epekto nito. Isa sa mga krimeng epekto ng paggamit ng liquid ecstasy, mga kaso ng date rape kung saan marami ang hindi na nairereport sa otoridad.
Ang liquid ecstasy ay kilala sa tawag na “millennial drugs” at usong droga ngayon sa mga high-end club. Talamak din ang gamitan nito sa mga party ng kabataan na ginagawa sa loob ng hotel room at kalaunang nauuwi sa mga “sex orgy” o group sex. Ang ecstasy na ilang linggong tinarbaho ng PDEA kasama ang grupo ng BITAG Investigative Team ay nagmula sa Netherlands, Mexico at Argentina.
Noong Nobyembre 1, matagumpay na naisagawa ang raid sa Mandaluyong at nakuha ang paraphernalias na ginagamit sa timplahan at bentahan ng liquid ecstasy. Hulog sa BITAG ng otoridad ang suspek na supplier ng ecstasy, ang Filipino-American na si Dennis Thieke. Si Thieke ang nagsu-supply sa Quezon City, Pasig at Mandaluyong.
Buong detalye mula sa surveillance at undercover hanggang sa aktuwal na operasyon, abangan sa BITAG New Generation episode sa PTV-4 sa mga susunod na Sabado, sabay sa aming website sa www.bitagmedia.com
- Latest