EDITORYAL - Sibak agad!
SINABI noon ni President Duterte na mayroon lamang siyang malanghap na corruption sa isang tanggapan o ahensiya, sisibakin agad niya ang sangkot na opisyal. Hindi raw siya magdadalawang-isip sa pagtatanggal sa mga opisyal kahit pa ini-appoint niya ito. Pasensiyahan daw sila pero ito ang gagawin niya sapagkat naipangako niya noong nangangampanya pa ang pagwasak sa corruption.
At tinotoo naman ito ni Duterte sapagkat kahit na nga ang mga taong nilagay niya sa puwesto ay sinibak niya nang may maamoy na korapsiyon.
Ang pinaka-latest niyang sinibak sa puwesto ay si Anna Rosario Paner ng Sugar Regulatory Administration (SRA). Hindi naman sa paglustay sa pondo ang kaso ni Paner kundi sa pag-hire ng tatlong consultants na sumusuweldo ng P200,000 bawat buwan. Hindi raw niya papayagan ang ganitong gawain. Siya nga raw ay P38,000 lamang ang suweldo at kailan lamang naging P100,000.
Marami-rami na ring sinibak ang Presidente at mababanggit dito sina NIA Administrator Peter Laviña, DILG Sec. Mike Sueno, at Usec Chiara Halmen Valdez. Sangkot umano sa katiwalian ang mga nabanggit na opisyal. Kahit kaibigan o supporters niya ang mga ito, hindi siya mangingiming sibakin.
Harapin din sana ni Digong ang mga opisyal ng government-owned and controlled corporations (GOCCs) na malalaki ang suweldo at mga tinatanggap na allowances at bonuses. Noon ay binalaan na niya ang GOCC officials na wala nang aasahang increase at mga malaking bonus at allowances ang mga ito.
Noong 2014, nabulgar ang malalaking bonuses at allowances na tinanggap ng mga opisyal ng GOCCs. Ayon sa Commission on Audit, umabot sa P626 milyon na bonuses, allowances at incentives ang pinagkaloob sa mga opisyal ng 28 government-owned and controlled corporations (GOCCs). Ilan sa binanggit ng COA na GOCCs na nakatanggap nang malalaking bonuses ay local water districts, Bangko Sentral at Philippine Economic Zone Authority (PEZA).
Galit si Digong sa mga corrupt at sa mga nagha-hire ng consultant na malalaki ang suweldo. Sana marami pa siyang “maamoy” na corruption at agad sibakin sa puwesto. Ang taumbayan ang nagdurusa sa katiwaliang nagaganap.
- Latest