EDITORYAL - Price surges ng Grab at Uber
MARAMING natatanggap na reklamo sa dalawang transport nertwork company na Grab at Uber. May mga babaing commuters na nagrereklamo na sila’y binabastos ng driver at ang isa ay naramdaman na lamang na hinahalikan ng driver. Nakatulog umano ang babaing pasahero at nang magising ay nakalapat na ang labi ng drayber sa kanyang labi. Nagreklamo na ang babae sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Kamakailan, isang anak na dalaga ng government official ang nagreklamo na kung anu-anong malalaswang salita ang sinabi sa kanya ng driver ng Uber. Kinasuhan na ang driver at sabi ng rider itutuloy niya ang demanda.
Ang panibagong reklamo sa dalawang transport company ay ang biglang pagtataas ng bayad (price surges) ngayong holiday season. Sobra umano ang pagtataas na ginagawa at halatang sinasamantala ng dalawang kompanya. Ayon sa reklamo ng isang rider, umabot sa P28,000 ang kanyang binayaran sa Uber sa single trip lang.
Una nang nagbabala ang LTFRB sa dalawang transport company na puwede nilang suspendehin o kanselahin ang accreditation ng mga ito kapag marami nang nagreklamo ukol sa price surges. Agad namang nag-complied ang Grab at Uber at sinabing aaksiyunan nila ang bigla-biglang pagtataas ng bayad. Nangako sila sa riders nang maayos na serbisyo. Hiniling nila sa publiko na gamitin ang apps Help feature kung mayroon silang nais iparating na reklamo sa kanilang trip.
Ang mabuting serbisyo ng dalawang transport network ang inaasahan ng riding public. Ang kaligtasan sa pagbibiyahe ay isa rin sa kanilang ninanais kaya marami ang gustong mag-Uber o Grab. Ayaw na nila sa pangkaraniwang taksi na namimili ng pasahero (o mga isnabero) lalo na ngayong holiday season. Pero paano kung may mga drayber din naman ang Uber at Grab na walang pinagkaiba sa karaniwang taksi? Dapat makastigo ang mga ito. Hindi dapat sayangin ang pagtitiwala ng publiko. Ang pagtitiwala ay mahalaga para sa matagal na pagsasama.
- Latest