EDITORYAL - Death penalty nararapat na
WALA nang kinatatakutan ang mga rapist ngayon. Pagkaraan nilang gahasain ang biktima, pinapatay pa nila. Demonyo na ang nakakubabaw sa kanila kaya wala nang nadaramang katiting na awa sa biktima. Wala na silang nakikilala at kahit mahinang babae na walang kalaban-laban ay kanilang pinapatay kahit nagmamakaawa. Ang dapat sa mga demonyong ito ay parusahan ng kamatayan. Kung ano ang inutang, iyon din ang kabayaran. Kung hindi sila papatayin, makakapagpiyansa pa sila at makakalaya at manggagahasa muli. Marami pa silang mabibiktima.
Kagaya nang ginawang panggagahasa at pagpatay sa 17-anyos na estudyante na natagpuan ang bangkay sa gilid ng ilog sa Bgy. Guyam Malaki, Indang Cavite noong Sabado. Nakilala ang biktima na si Melissa Magracia ng Bgy. Paradahan 1, Belvedere, Tanza. Nasa tabi ng biktima ang backpack nito na may mga gamit. Maraming saksak sa katawan ang biktima. Positibong ginahasa muna bago pinatay.
Naaresto naman kaagad ang suspek na nakilalang si Elrick Mojica, 31, isang welder at taga-Bgy. Harasan, Indang. Ayon sa pulisya, nakipagkita ang biktima sa suspek noong Disyembre 6 sapagkat gagawin daw modelo. Nakita ang palitan ng mensahe ng biktima at suspect sa Facebook. Itinanggi naman ng suspek ang paratang. Hindi raw niya magagawa iyon. Ginamit lamang daw ang kanyang pangalan. Nakakulong na ang suspek.
Napapanahon na para ibalik ang death penalty. Madaliin ang pagdedebate sa pagbabalik ng parusang kamatayan at kapag naipasa, unang isalang sa lethal injection ang gumahasa at pumatay sa estudyante. Kailangang may masampolan ng kamatayan para matakot. Kung hindi magsasampol, darami pa ang mga demonyo at kawawa ang mga kababaihan. Tanging ang parusang kamatayan ang makakahadlang sa panggagahasa at pagpatay.
- Latest