EDITORYAL - Ningas-kugon sa paghihigpit
TATLO ang namatay sa lumubog na M/V Maharlika noong Sabado ng hapon sa Southern Leyte. Nailigtas ang may 113 pasahero. Ayon sa mga nakaligtas, namatay ang makina ng barko at nagpalutang-lutang sa loob ng ilang oras hanggang hagupitin sila nang malakas na hangin at malalaking alon. Hanggang sa tumagilid ang barko at nagsimula nang lumubog. Ang pagtagilid ng barko ay dahil umano sa mga nakakargang sasakyan na napunta sa lahat sa kabilang side.
Nagkanya-kanya na umanong kumuha ng life vests ang mga pasahero at nagtalunan sa tubig para iligtas ang sarili. Sabi ng ibang pasahero, akala nila, katapusan na nila. Matagal na umano silang palutang-lutang nang may dumating na barko at iniligtas sila.
Kahapon, sabi ng Philippine Coast Guard ay iimbestigahan nila ang pangyayari. Hindi naman daw overloaded ang barko. Katunayan daw ay wala pa sa kalahati ng passenger capacity ang laman ng barko. Wala rin naman daw typhoon signal kaya hinayaang makapaglayag ang barko.
Ang nakapagtataka, sabi ng Coast Guard ay 116 lamang ang pasahero pero sabi ng provincial officials, ang mga nakaligtas ay nasa 144. Sino kaya ang tama rito? Nakalilito kung sino ang paniniwalaan. Lumabas din sa report na 30 taon na ang barko. Ibig sabihin matagal na itong yumayaot at maaaring dahil sa kalumaan kaya tumigil na ang makina sa laot.
Ang isa pang katanungang malaki ngayon ay ang nakatalang pasahero sa manifest ng barko. Lumalabas na 99 na pasahero lamang ang nasa listahan kasama ang 13 sasakyan. Marami na naman ang hindi nakalista kung ganoon? Nagpapaalala ito sa nangyari noong Disyembre 1987 na lumubog ang MV Doña Paz makaraang makabanggaan ang MT Vector sa Tablas Strait na ikinamatay nang mahigit 4,000 pasahero. Marami sa mga pasahero ng Doña Paz ang wala sa manifest.
Mabuti na lamang at nailigtas ang mga pasahero kundi’y isa namang malaking trahedya ang nangyari. Ginagawa ba talaga ng Coast Guard, Marina at Department of Transportation and Communications ang kanilang trabaho para maging maayos at ligtas ang mga bumibiyaheng barko. Hindi kaya nagsasagawa lamang ng paghihigpit kapag may trahedyang nangyari. Ningas-kugon ang PCG, Marina at DOTC.
- Latest