Beauty queen-actress kakasuhan, lisensya kakanselahin
Pasaway, pumasok sa ASEAN lane
MANILA, Philippines — Irerekomenda ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa Land Transportation Office (LTO) na kasuhan at suspendihin ang driver’s license ng dating beauty queen at beteranang aktres na si Maria Isabel Lopez matapos siyang pumasok sa ASEAN lane sa Edsa, Quezon City nitong Sabado na mahigpit na ipinagbabawal sa mga motorista.
Sinabi ni MMDA Spokesperson Celine Pialago na kanilang irerekomenda sa LTO ang suspensyon o kanselasyon ng lisensya ni Lopez, hinirang na Binibining Pilipinas Universe noong 1982.
Ayon sa MMDA, seryosong paglabag sa seguridad ang ginawa ni Lopez..
Nabatid na ipinagmalaki pa ni Lopez ang kabalbalang ginawa sa social media sa kanyang post sa Facebook account nito noong Sabado na agad na naging viral.
“I removed the divider cones! Then all motorists followed! MMDA thinks I’m an official ASEAN delegate! If you can’t beat them, join them!” pagyayabang sa post ni Lopez.
Iginiit ng MMDA na tanging mga emergency vehicles lamang ang maaaring makagamit ng ASEAN lanes bukod sa mga delegado.
Magugunita na nagkabuhul-buhol ang daloy ng trapiko sa Edsa na ikinairita ng maraming motorista kamakalawa dahil na rin sa pagsasara ng ASEAN lane para sa mga motorista na hindi kabilang sa delegado ng ASEAN Summit.
Sa kanyang panig, agad na humingi ng paumanhin si Lopez dahil sa kanyang nagawa.
“Sorry to those who got hurt and affected,” saad sa post ni Lopez sa kanyang FB account.
- Latest