2 parak umamin na!
Si Kian ang nakunan ng CCTV na kanilang kinakaladkad
MANILA, Philippines - Inamin na ng dalawa sa tatlong pulis Caloocan na sila ang nasa CCTV na kumakaladkad sa 17-anyos na si Kian delos Santos.
Taliwas ito sa una nilang sinasabi na isang informant ang hinihila nila sa isang eskinita at hindi si delos Santos.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP-Internal Affairs Service (IAS) Inspector General Alfegar Triambulo, sa pagpapatuloy ng isinasagawa nilang imbestigasyon.
Ngayong araw ay isusumite na umano ni Triambulo kay PNP Chief Ronald dela Rosa ang kanilang report at kanilang rekomendasyon para masampahan sila ng kaukulang kaso.
“Kasi ang tinitingnan namin ay kung talagang lumabag sila ng kanilang tungkulin bilang isang pulis. Apparently, may violation kaya tayo nagi-imbestiga kasi ang trabaho ng pulis ay arestuhin, yun ang mission. Kung may namatay o na-injure during operation, apparently may irregular sa kanilang tungkulin,” ayon pa kay Triambulo.
Nilinaw pa niya na hindi pa kumpleto ang kanilang imbestigasyon dahil hindi pa nila nakikita ang report ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at dito nila ikukumpara ang report na may testimonya at iba pang ebidensya na hawak nila.
Nagsagawa na rin umano ng occular inspection ang mga imbestigador ng IAS at na interview ang iba pang pulis na kasama sa operasyon na umabot sa 13.
Sa kasalukuyan nasa kustodiya ng NCRPO sina Police Officer 3 Arnel Oares; Police Officer 1 Jeremias Pereda; at Police Officer 1 Jerwin Cruz.
Samantala, sinibak na rin ni Philippine National Police (PNP) chief director General Ronald “Bato” dela Rosa ang district director ng Northern Police District (NPD) kaugnay sa kaso ng pagpatay kay Kian delos Santos.
Ayon kay dela Rosa, administratively relieved si Chief Supt. Roberto Fajardo, hepe ng NPD dahil sa command responsibility.
Paliwanag pa ng PNP Chief na ang pagsibak kay Fajardo ay para magbigay daan na rin sa ginagawang imbestigasyon kaugnay sa kaso ni delos Santos at mapabilis ito.
Habang patuloy umano ang imbestigasyon ay mananatili ang hepe ng NPD sa administration Unit ng PNP sa Camp Crame hanggang matapos ang imbestigasyon nito.
Matatandaan na una na ring sinibak sa puwesto ang hepe ng Caloocan Police na si Supt. Chito Bersaluna na pansamantala rin nanatili sa NCRPO.
- Latest