Baggage loader huling nagnanakaw sa bagahe ng pasahero sa NAIA
MANILA, Philippines - Isang baggage loa-der ang hinuli ng mga awtoridad sa may terminal ramp baggage area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos itong makitang ninanakawan ng iba’t ibang klase ng mga alahas ang bagahe na pag-aari ng isang arriving passenger.
Ayon sa ulat, nakilala ang suspek na isang Roger Daniel, na inaresto ng security personnel ng Aviation Operations and Management, Inc. (AVOMSI) matapos makuha sa kamay nito ang apat na pirasong hikaw, dalawang kuwintas at relos na kinuha nito sa isang bagahe nang pasahero ng Etihad Airways.
Sa naantalang report, noong July 18 ay naispatan ni AVOMSI security specialist Meresa Porgadas ang suspek na kahina-hinala ang kilos habang nasa breakdown area ng mga bagahe. Dinadala ang mga bagahe sa conveyor belt na kinaroroonan ng baggage carousel paakyat ng customs arrival area.
Ayon kay Porgadas, napansin nito ang suspek na tila may itinatago sa kanyang kamay kaya’t pinagdudahan niya ito at agad siyang lumapit para tanungin at isinagawa ang body search. Dito nakita sa pag-iingat ng suspect ang mga ninakaw na alahas.
Si Daniel ay dinala sa himpilan ng Airport Police Department upang isailalim sa masusing imbestigasyon.
Napag-alaman sa impormasyon na maraming reklamo ang natatanggap ng MIAA tungkol sa ilang nakawan sa mga bagahe ng mga dumarating na pasahero mula sa iba’t ibang airline companies.
- Latest